Advertisers
“PROTEKTOR” ng kontrobersiyal na POGO hub, na umanoy “scam farm” sa Porac, Pampanga ang dating presidential spokesman ni Rody Duterte na si Atty. Harry Roque,
Base ito sa mga nakalap na dokumento ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa kanilang isinagawang pagsalakay sa naturang POGO hub, at sa isiniwalat sa Senado ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Al Tengco.
Ang tanging palusot ni Roque, sinamahan lang niya ang taga-POGO hub sa PAGCOR para ayusin ang mga bayarin nito, hindi para mag-“lobby”.
Pero sa mga nakalap na dokumento ng PAOCC, lumalabas na si Roque ang chief legal counsel ng sinalakay na POGO sa Porac, na may kaugnayan din sa sinalakay na iligal na POGO sa Bamban, Tarlac kungsaan nabunyag ang pagkatao ng mayor ng bayan na si Alice Gou na isang pekeng Filipino.
Suspendido na sa pagka-alkalde si Gou, at malamang na tuluyang masibak! May arrest warrant na siya sa Senado sa hindi pagsipot sa mga pagdinig.
Samantala, ipinangangalandakan ngayon ni Roque na nagsasagawa ng “smear campaign” ang Marcos administration para sirain siya dahil sa kanyang pagiging kritiko ni Pres. Marcos Jr.
Pati media na nagbalita sa mga inihayag ni Tengco at ng imbestigasyon ng Senado ay sinabihang “gawa-gawa” lamang ang mga detalye.
Buking na, humihirit pa!
***
Malamang ang sunod na silipin ng Senado kay Roque ay ang kanyang mga “tagong yaman” partikular ang kanyang bank accounts.
May lumabas na balita noon na nakakuha ng malaking halaga ng kontrata sa tiwaling gobyerno ni Duterte ang mag-asawang Roque.
Kalkalin!
***
Hindi rin dadalo sa 3rd SONA ni PBBM si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ang rason niya: “Masakit ang tuhod ko.” Hahaha…
Kamakailan, ang flagship project ni Bato na PNP Reform and Reorganization Act ay binaril ni PBBM.
Nauna nang inanunsyo ni Vice President Sara Duterte na hindi siya sisipot sa SONA ng kanyang ka-tandem noong 2022 elections. Nagdeklara pa siyang “Im the designated survivor”.
May mangyayari ba kay PBBM sa kanyang SONA sa July 22 (Lunes), at uupong presidente si Sara?
Nakakabahala ang pahayag na ito ni Sara. Dapat magdoble-ingat si PBBM.
***
Nagsalita na ang isang opisyal ng International Criminal Court (ICC) na bago matapos ang taon ay lalabas ang arrest warrant laban kay ex-President Rody Duterte at mga opisyal nitong nagpatupad ng napaka-brutal na war on drugs.
Sa damdamin ko, kasama si Senador Bato sa mga maiisyuhan ng arrest warrant. Dahil siya ang PNP Chief nang ipatupad ng Duterte administration ang war on drugs.
Ito siguro ang dahilan kaya kung ano-ano na ang nararamdaman ni Bato sa kanyang katawan. Hehehe…
Subaybayan!