Advertisers
MAGSASAGAWA ng transport strike ang grupong Manibela kasabay ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw, Hulyo 22.
Ayon kay Manibela chairperson Mar Valbuena, hindi bababa sa 4,000 ng mga miyembro nito ang sasali sa tigil pasada bilang protesta laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Magsisimula ang Manibela ng kanilang protesta sa tanghali sa Commission on Human Rights office sa Diliman, Quezon City.
Samantala, ipinakalat na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang Joint Task Force-National Capital Region (NCR) para sa SONA ni Pangulong Marcos Jr. ngayong araw.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Colonel Xerxes Trinidad, 500 tauhan ng Joint Task Force-NCR kasama ang dalawang armored vehicles ang kanilang idineploy bilang suporta sa puwersa ng Philippine National Police (PNP) na magbabantay ng seguridad sa SONA.
Kasunod nito, nangako ang Sandatahang Lakas katuwang ang Pambansang Pulisya sa pagtiyak ng maayos at ligtas na SONA 2024.
Samantala, sa panig naman ng PNP ay sinabi ni Public Information Officer (PIO) chief Police Colonel Jean Fajardo na handang-handa na sila at tiniyak na proprotektahan si Pangulong Marcos at ang taumbayan sa abot ng kanilang makakaya sa lahat ng pagkakataon.