Advertisers
GINISA kahapon ng mga Senador si Public Works and Highways Secretary Manny Bonoan makaraang aminin na wala silang national flood control master plan sa bansa sa kabila ng napakalaking pondo na inilaan para sa flood control sa mga nakaraan taon.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate committee on public works, sinabi ni Bonoan na ang 5,500 nakumpletong flood control projects na inihayag sa State of the Nation Address ay mga agarang relief projects na nagsimula noong nakaraang administrasyon at naantala ng COVID-19 pandemic.
Nabatid aniya na ang mga naturang proyekto ay hindi bahagi ng isang integrated master plan.
“Ito yung immediate projects engineering interventions all over the country na di ho kasama sa master plan. Ito yung standalone projects to provide immediate relief to low lying areas,” paliwanag ni Bonoan.
Tinanong kasi ni Sen. Joel Villanueva na, “Yung 5,500 pala na programs projects na natapos na ipinagmalaki ng ating pangulo ay patsi-pasti lang. Di rin nakatulong kasi patsi-patsi nga po.”
Gayunman, sinabi ni Bonoan na inihahanda pa rin ang ilang master plan sa 18 major river basins.
“I have taken a look on all these river basins and most of them…are still being currently updated to take into account actually the climate change phenomenon and other factors,” ani Bonoan.
Tinanong naman ni Sen. Imee Marcos, “So there’s an admission on the part of the DPWH that in fact a national flood control masterplan still does not exist? Tama po ba yon? Kasi hiwa-hiwalay yung 18. Di naman sila pinagdugtong-dugtong. Hindi pa naka-align sa MMDA. Merong sari-sarili rin at pira-piraso ‘yung ating LGU.”
“To some extent, that’s correct. But what I’m saying is actually there have been master plans before that were carried out… They’re just being updated at this point in time,” tugon ni Bonoan.
“I think it’s very telling that the master plan, the integrated master plan, is not in existence,” wika naman ni Villanueva.
“Kung ‘di po integrated, kung gagawin mo yun sa isang lugar yung kabilang side naman, yung kabilang probinsiya, kabilang town, kabilang barangay yun naman ang babahain,” sabi ni Villanueva.
Sinabi ni Bonoan na mayroong 421 pangunahing ilog sa buong bansa at ang 18 dito ay mga pangunahing ilog kung saan matatagpuan ang mga river basin.
Inamin din ni Bonoan sa mga senador na inihahanda pa rin ang mga flood control project sa Bulacan at Pampanga, na dati niyang sinabing magsisimula ngayong taon.
“Taunan ng lumulobo ang budget ng DPWH para sa baha. Nasa P42 billion na lang, nung 2015, pero lumobo ng halos P244.7 billion nung 2024. It grew by over P200 billion. And in less than 10 years, may P1 trilyon budget kayo para sa baha,” pahayag naman ni Sen. Ramon Revilla, chairman ng komite. (Mylene Alfonso)