Advertisers
Nasawi ang tatlong katao at 48 ang sugatan nang sumalpok ang sinasakyang pampasaherong bus sa isang van at bumulusok sa bangin sa Naawan, Misamis Oriental.
Kinilala ng Naawan Police Station ang dalawa sa mga biktima na sina Jasper Haim at Anthony Reyes habang hindi pa natutukoy ang ikatlong biktima habang isinusulat ito.
Sa ulat, nangyari ang aksidente 1:38 ng madaling araw sa Purok 1, Brgy. Maputi, Naawan, Misamis Oriental.
Sinabi ni Master Sgt. Mark Gil Macasero na dinala ang mga sugatang biktima sa Misamis Oriental Provincial Hospital at Northern Mindanao Medical Center.
Sa ulat, habang bumabagtas ang The Super 5 bus na nagmula sa Cagayan de Oro City at patungong Dipolog City sa naturang lugar nang mapansin ng driver na may biglang batong inihagis sa kanilang sasakyan. Dahil dito, bigla niyang iniwasan at nagpalit umano ng linya ang bus na sanhi upang bumangga sa nasabing van.
Dahil sa matinding salpukan, nahulog ang bus na may sakay na 51 katao sa isang bangin sa tabi ng highway.
Hawak na ng pulisya ang freezer van maging ang driver nito na si Jolly Pilones Mangipol na nahaharap sa kaukulang kaso.