Advertisers
Ni Rommel Gonzales
MASAMA ang karakter ni Dennis Trillo sa Pulang Araw ng GMA bilang si Colonel Yuta Saitoh ng Japanese Imperial Army, pero bilang tao at bilang si Dennis Trillo, may mga mahalagang natutunan siya sa pagiging parte ng Pulang Araw.
“Well, natutunan ko dito, ayun nga, bukod doon sa napakahirap na experience ng mga Pilipino nung panahon na yun,” umpisang lahad ni Dennis.
“Siyempre ayaw na natin mangyari yun, kaya iyon siguro, yung pag-iwas sa mga giyera sa buhay, maging peace-loving tayong mga tao, pahalagahan natin lahat ng mga tao sa paligid natin.”
Papayagan ba ni Dennis na panoorin ng mga anak niya, lalo na ni Calix na seventeen na sa September, ang Pulang Araw, gayung salbahe ang papel niya sa serye?
“Well, ako ni-recommend ko siya dun sa anak ko kasi high school siya e. So, makaka-relate siya dun sa tema ng history nung mapapanood niya.
“Actually, yung Maria Clara at Ibarra pinanood niya din yun, dahil time din na pinag-aralan nila yung Noli Me Tangere nung pinalalabas yun.
“At ngayon, itong Pulang Araw siyempre ire-recommend ko rin sa kanya dahil wala rin siya masyadong alam dun sa mga nangyari ng panahon ng Hapon e.
“Mabuti na mamulat siya dun sa mga katotohanang naganap noon, maganda man o hindi maganda, pero yun talaga yung history e.
“Iyon yung bumuo sa pagkatao natin e, kaya tayong mga Pilipino ngayon may sariling kalayaan.”
Ano sa palagay niya ang magiging reaction ni Calix kapag nakita nito ang karakter niya?
“Oo, siyempre medyo matatakot siguro siya ng konti, kasi talagang wala pa talaga ako nakikita na matinong ginawa nung character ko dun sa Pulang Araw.
“Pero sobrang proud ako dahil talagang… talagang binigay namin talaga lahat nung oras namin para paghandaan na maging maganda lahat ng dialogue at yung pagbuo ng character.”
Lumipas na ang mga taon, pero ang guwapo at ang bagets pa rin ni Dennis, di ba Blezilda Amor my editor (Very true–ed), pero kapansin-pansin ang pananatili ng kaguwapuhan at kabataan niya.
Ano ang sekreto niya?
“Siguro yung pagkakaroon ng… pagiging kuntento mo sa buhay. Maging kuntento ka kung anong meron ka, maging masayahin ka, maging positive ka sa lahat ng bagay.
“Always look at the brighter side of life,” nakangiting tugon pa ng Kapuso Drama King.