Advertisers
INIULAT ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Martes na 13 katao na ang kumpirmadong nasawi sa pananalasa ng bagyong Enteng nung Linggo at Lunes.
Sinabi ni OCD spokesperson Edgar Posadas na walo sa mga nasawi ay mula sa Rizal, 3 sa Bicol, at 2 sa Cebu.
“Meron pong dalawa sa Cebu. Ito po yung nabagsakan ng pader tapos yung isa pong pader na nakakabit sa bahay. Meron din tayong kinukumpirma, bina-validate together with our regional office of Bicol. Tatlo po yun. Meron din po dito sa Calabarzon, partikular sa Rizal po, walo po ang kinukumpirma natin diyan. Karamihan po yung sa Antipolo po,” ani Posadas sa interbyu ng GMA News.
Samantala, sinabi ni Posadas na 10 katao ang naiulat na nasugatan sa Cebu dahil sa Enteng.
Sa ngayon, nasa kabuuang 24,043 katao (6,052 pamilya) ang naapektuhan ng Enteng sa Bicol, gayundin sa Central at Eastern Visayas regions, sabi ni Posadas.
Inaasahang lalabas si Enteng sa Philippine area of responsibility Miyerkules ng umaga.