Seguridad, kapakanan ng mga manggagawa dapat tutukan sa kabila ng malakas na pag-ulan at pagbaha – Trabaho Partylist
Advertisers
Iginiit ng Trabaho Partylist na dapat paalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employers na alagaan ang seguridad at kapakanan ng mga manggagawa ngayong nararamdaman ang epekto ng Bagyong Enteng at Hanging Habagat.
Tinutukoy ni Atty. Filemon Ray L. Javier, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, ang regulasyon na inilabas ng DOLE tungkol sa pagsuspinde ng trabaho dahil sa kalagayan ng panahon.
Ayon sa Labor Advisory No. 17 series of 2022, ang mga manggagawa na nagtrabaho nang ‘di bababa ng anim na oras bago masuspinde ng trabaho ay dapat makatanggap ng buong sahod sa naturang araw.
Paalala ng Trabaho Partylist, kung bababa naman sa anim na oras ang trabaho, ang empleyado ay makakatanggap ng “proportionate” wage niya na nakabase kung ilang oras siya nagtrabaho.
Ngunit, kung ‘di man makapasok sa trabaho ang manggagawa, maaaring ‘di siya makatanggap ng sahod sa naturang araw, pero ‘di ito pwede maging rason upang sila ay parusahan nang administratibong kaso sa kumpanya.
Nakaranas ng matinding pag-ulan at pagbaha ang iba’t ibang parte ng Metro Manila at mga karatig lalawigan kahapon matapos maramdaman ng bansa ang hagupit ng Bagyong Enteng, kasabay pa ng pag-ulang dala ng Hanging Habagat.
Tututukan at itinutulak ng Trabaho Partylist sa Kongreso ang ilan pang mga hakbang upang tulungan ang mga manggagawa sa oras ng sakuna, tulad ng pagmumungkahi ng calamity pay para sa mga manggagawa na pumasok sa trabaho kahit bumabagyo at iba pang calamity assistance.