Advertisers
ISINIWALAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilang dekada nang may umiiral na master plan para sa flood control sa bansa, ngunit matagal itong hindi naipatupad.
Ayon sa Pangulo, hindi naisakatuparan ng mga nakaraang administrasyon ang mga planong nakalatag upang tugunan ang problema sa pagbaha.
Sinabi ni Marcos na sa ilalim ng kanyang administrasyon lamang nagsimula ang aktuwal na pagpapatupad ng mga naturang plano.
Dahil dito, ipinag-utos ng Pangulo ang pagpapabilis sa mga infrastructure project na layong mapigilan o mabawasan ang epekto ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Inihayag ito ng Pangulo habang nagsasagawa siya ng inspeksyon sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pagbaha sa Central Luzon, kabilang ang Tarlac, Zambales at Pampanga.
Samantala, sinabi ni Marcos na nakaranas ang bansa ng hindi inaasahang lakas at dami ng pag-ulan, na malinaw umanong nagpapakita ng epekto ng climate change.
Dahil dito, sinabi ng Pangulo na kailangang patuloy na umangkop ang bansa sa nagbabagong klima, kasabay ng pagpapatupad ng mga kinakailangang proyekto upang maprotektahan ang mga komunidad laban sa matinding pagbaha. (Gilbert Perdez)