Sugatan nang pagsasasaksakin ang 12-anyos na babaeng estudyante nang pagnakawan at agawan ng cellphone ng isang lalaki.
Base sa pulisya, nangyari ang krimen habang nakaupo at nagseselpon ang biktima sa isang waiting shed sa Barangay San Vicente noong gabi ng September 25, 2024.
Biglang sinaksak ng suspek ang estudyante at inagaw ang kaniyang cellphone at tumakas.
“Initially, lumapit nga daw ‘yung suspek sa kaniya, palakad-lakad. Then tinabihan siya. Bigla na lang siyang sinaksak. After that, dinampot ‘yung cellphone niya,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Sean Logronio, hepe ng Tarlac City Police Station.
Nakaligtas ang biktima na nagtamo ng sugat sa ginawa ng suspek.
Sa tulong naman ng kuha ng CCTV, natukoy ang suspek at naaresto ng mga awtoridad, na mahaharap ang suspek sa kasong frustrated homicide in relation to RA 7610 at robbery.