Advertisers
UMAASA ang libo-libong pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) na kanilang makakamit ang hustisya kaugnay ng kalunos-lunos na sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay sa International Criminal Court (ICC), na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa madugong drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pahayag ito ni dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares sa ika-8 pagdinig noong Biyernes ng Quad Comm ng Kamara de Representantes, isang panel na binubuo ng apat na komite na nagsisiyasat sa EJK, kalakalan ng iligal na droga, iligal na operasyon ng POGO, at mga paglabag sa karapatang pantao.
Si Colmenares, na kumakatawan sa National Union of People’s Lawyers na nakikipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC, ay nagsabi na tiniyak ng mga responsable sa EJK na magiging mahirap ang pangangalap ng ebidensya upang patunayan ang kanilang ginawa.
Ani Colmenares, nakasaad sa death certificates na ang mga biktima ay namatay dahil sa broncho-pneumonia at hindi dahil sa tama ng bala.
Iginiit pa ng dating mambabatas, na katwiran ng mga responsable sa krimen, na karaniwan ay mga pulis, na nanlaban ang mga drug suspect kaya sila napatay.
Dagdag pa niya, iniimbestigahan na ng ICC ang mga EJK sa bansa simula pa noong 2017-2018.