Lumabas sa silid na pinagtataguan si Kamatayan upang harapin ang mga kampon na ibig magpakitang gilas ng malaman kuno ang maayos na kinalabasan o resulta ng laban sa droga sa panahon ng kadiliman sa bansa. Sa pagdinig, alang pinaporma si Kamatayan kahit sa mismong bahay ng mga kampon na pilit na humihimod sa tumbong ni Kamatayan kahit silip ang kahinaan ng katawan sa tagal ng ‘di nakakasipsip ng dugo ng mga biktimang ‘di pinatikim ng hustisya. Nakahihindik ang kawalang respeto ng bisita mula sa kadiliman sa lugar ng mataas na kabahayan ng kongreso. Umalingawngaw sa maghapong pagdinig ang pagmumura na hindi nagawang supilin ng mga lingkod bayan na kapanalig ni Kamatayan, higit ang puno ng komiteng mag-abswelto kay Kamatayan. Hinayaan ang paulit – ulit na pagmumura ni Kamatayan na kinagagalak ng mga kinatawang bayan sa mismong bahay ng mga kawalang galang. Pasalamat ang bayan sa isang senador na Risa Hontiveros ang ngalan ang nagpaalala sa puno ng pagdinig na sabihan ang bastos na bisita na igalang ang tahanang pinaglilingkuran. Sinabihan ng puno na dumidinig, ngunit ‘di pansin at patuloy sa pambabastos si Kamatayan sa tahanan ng mga alang kwentang alipores.
Sa totoo lang, masamang halimbawa ang namalas ng mundo higit ng mga bata’t kabataan na walang nagawa ang mataas na kapulungan sa dating lider maging sa loob ng sariling kabahayan. Hindi nakitaan ng maayos na asal ang bisita sa tinatawag na kagalang galang na tangapan na kinagulat ng mga kabataan na nanonood, paano na ang bukas. Ang masakit silip ang kawalan ng pagkapantay pantay sa mga dumadalo sa mga pagdinig na hindi pinapaporma ang mga bisita na ‘di ng lider ng kadiliman. Hindi makalimutan na pinagagalitan, pinapakulong at ipinahahanap sa mga alagad ng batas ang mga bisitang walang galang at ayaw sumipot sa mga imbitasyon sa pagdinig. Samantala si Kamatayan na walang bakas ng takot at hiya ay walang pakundangan na ipinagmamalaki ang lumang asal na sa bawat usal ng bibig nariyan ang P—-I—na kinalulugod ng mga kinatawan ng bayan. Salamat muli kay Sen. Risa Hontiveros ang nag-iisang senador na tumayo sa laban sa kabulastugan at kabastusan ni Kamatayan. Sa ibang kinatawang bayan sa mataas na kapulungan, nanyo.
Sa takbo ng pagdinig nakita ng mundo higit ng Pinoy ang uri ng mga kinatawang bayan na mayroon ang mataas na kapulungan. Walang pagdududa na nagkamali ang marami sa paghahalal ng mga senador na kasangga ni Kamatayan. Nakita ni Mang Juan na hindi mauuna ang kagalingan ng nakakarami sa mga patron ng kasamaan. Takot ang mga kinatawang bayan sa karakas ni Kamatayan kahit uugod-ugod na sa paglalakad. Hindi makayanan ng mga kinatawan ni Mang Juan na magpakita ng tapang sa loob ng sariling tahanan sa presensiya ng higit masamang nilalang na gapi ng patron ng kasamaan. Napansin ang tindig ng isang kinatawan na bundat sa pagnanakaw ngunit seksi ang ngalan na pilit na minaliit ang gawa ng dating kalihim ng DOJ, Tserman ng CHR at dating senador sa mga pag-uusisang ginawa hingil sa mga patayan na dulot ng bigong laban sa droga. Isinantabi ang unang mga ginawa ng dating senador na dahilan ng pagdadala sa usapin sa International Criminal Court (ICC). O’ sadyang ipinikit ang mata sa dahilan na iba ang tindig sa pagdinig. O’ ibig ibaba ang kagalingan ng pinatutungkulan na batid na kabila ang tindig laban sa kawalan ng katarungan. PDAF pa more..
Sa pagdinig pa rin, silip ang kasapakat ni Kamatayan na dating strelladong senador ang tuwirang pagkakasangkot sa mga serye ng pagpatay sa maling laban sa droga. Lumabas ang kabatiran at ang kahandaan kuno na humarap sa anumang pag-uusisang gagawin. At sa bahay na tinutuluyan, nakita ang kayabangan na tila handa sa laban na susuungin. O’ dahil nasa lugar na may kakampi hayun may pagmamalaki na humahamon sa sino man na ibig magsampa ng kaso laban sa kanya at kay Kamatayan huwag lang sa ICC, hehehe. Mayabang at mapagkunwari ng tapang ngunit silip ang kamangmangan na kilos ng kaTimugan. Ihi pa more sa pantalon.
Sa pagiging arogante at matabil ni Kamatayan, hindi namalayan o sadyang mangmang na ‘di mapigil na masabi na ito ang utak at may utos ng mga patayan bigong laban sa droga. Ang nakakalungkot, gamit ang salaping bayan sa pabuya sa mga tauhan na makapaslang ng mga inosenteng tao o napaghinalaang sangkot sa bawal na gamot. Walang surian kung gumagamit o nagtutulak ng bawal na gamot, ang mahalaga’y mawala sa lansangan ang tinatawag na salot ng bayan. At tunay na kinasisiya ni Kamatayan ang mga balitang mga nawawalang buhay na daan sa pagiging matagumpay ng laban sa droga, kuno. Ang masakit sa labang banggit, pulos mga pinaghihinalaang gumagamit ng bawal na gamot ang mga naitumba at ‘di malalaking nagtutulak at umaangkat ng bawal na gamot ang naitumba. Banggit ni Pugo na hindi tinatantanan ang sino mang nabatid ang pagkakasangkot sa mga krimen higit ang sangkot sa droga at umasang sisipsipin ang dugo ni Kamatayan. At sa dulo, pabuya sa mga tauhang salarin.
Maraming pahayag si Kamatayan na pag-uulit sa mga nasabi ng ito’y lider ng kadiliman sa bansa. Malinaw na larawan o patunay na walang katarungan ang mga biktima ng bigong laban sa droga higit sa panahon pina-iiral ang EJK sa bansa na mula sa katimugan ng bansa. Ang nakakainis, ang pahayag na walang pagsisi sa naganap na mga patayan at ito’y ginawa para sa bayan. Walang pag-aalangan sa pagpapahayag na tila ‘di aabutin ng kamay ng katarungan. Sadyang nasisiyahan si Kamatayan sa mga naganap na karumal dumal na pagpaslang sa maraming biktima ng droga na muling biktima ng kawalan ng hustisya sa panahon ng liderato ng baliw na lider. Sa bibig na huli ang isda, at sa pahayag ni Kamatayan, alam na ang katotohanan na ang patayan sa bansa ang sagisag ng bigong laban sa droga.
Sa bangit na pagdinig, inaasahan na magagamit ang mga pahayag higit ang mga naganap na patayan ng bigong laban sa droga. Ang pagpapahayag na walang pagsisisi o paghingi ng paumanhin sa mga pamilya ng biktima ng bigong laban sa droga tulad sa pamilya ni Mom Nanette ay pag-amin na maraming inosenteng biktima ang bigong laban sa droga. Hindi na kailangan ng masusing pag-uusisa, ang pagbanga sa datos na nakuha ng QuadCom at pag-amin ni Totoy Osla aka Kamatayan ang magagamit upang ibaon ang punyal sa walang pusong halimaw ng kaTimugan. Hindi man tuwiran ang pag-amin ngunit alam ng bayan, ng mundo at ng ICC ang katotohanan sa walang katarungan na kaganapan sa panahon ng madilim ng bigong laban sa droga sa panahon ng dating pamahalaan. Panahon na panagutin at sa pagbibigay ng katarungan sa lahat ng biktima ng Extra Judicial Killing sa panahon ni Totoy Osla aka Kamatayan. Panagutin ang may sala sino man sila sa nakaraan at sa kasalukuyan. Lumabas na ang katotohanan na matagal ng alam ng bayan.
Maraming Salamat po!!!!