Advertisers
Ni CRIS A. IBON
KILALA ang Cavite sa iba’t ibang klase ng personalidad na naging bahagi ng kasaysayan kabilang ang kwento ng buhay ni “Nardong Putik” na tumutulong sa mga taong mahihirap na inaapi at mga masasamang elemento ng lipunan ngunit sa pamamagitan ng karahasan, kaya’t siya ay naging pusakal na kriminal at naging wanted sa mga alagad ng batas.
Hindi nawala ang tatak ng Cavite sa pagkakaroon ng katulad ni Nardong Putik dahil sa ngayon ay may sumisibol na makabagong “Nardong Putik” sa katauhan ng isang “Ka Minong” na sikat na sikat sa lalawigan.
Ang “Nardong Putik” noon ay pamoso sa pagtulong at pagtatanggol sa mga inaapi at galit sa illegal vices, samantalang ang bagong “Nardong Putik” na si Ka Minong ay lider ng sindikato, na ang aktibidades ay tong collection at paglalagay ng mga sugalan na prente ng bentahan ng shabu sa buong Cavite.
Ayon sa grupo ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB), si Ka Minong ang namamahala ng vice operations tulad ng Small Town Lottery con jueteng, sakla, lotteng, pergalan (peryahan na pulos sugalan), paihi at fuel smuggling. Ganon din ang tong collection, na sa isang kumpas ng kamay nito ay hindi pwedeng baliin ng mga nauupong police director ng Cavite.
Natanggal sa pwesto noong Oktubre 28 bilang Cavite PD si Col. Elieuterio Ricardo, Jr. at pinalitan ni Col. Dwight Alegre, at dahil kay Ka Minong ay nagkaroon din ng balasahan ng tong collector sa pagitan ng police scalawag na si alyas Richard at gambling operator na si Hero.
Si Hero, isang sakla operator, na hayag ding drug pusher sa Cavite, ang personal na pinili at inindorso ni Ka Minong sa ilang Cavite top PNP officials bilang tongpats collector.
Bukod sa grupo ni Ka Minong at Hero, isa pang grupo na pinamumunuan ng isang “Jun Toto” na may sariling diskarte sa pangingikil gamit ang pangalan ng bagong appointed Cavite Governor Athena Bryana Tolentino.
Pinalitan ni dating Cavite Vice Gov. Tolentino si “Jonvic” Remulla bilang gobernador nang itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government.
Ayon sa MKKB, matagal na ang pamamayagpag nina Ka Minong, Hero at Jun Toto sa kanilang masamang gawain, ngunit ang nakapagtataka’y hindi manlang pinigil ni Col. Alegre, at sa halip ay lalong tumindi ang kanilang pangsasalaula sa Cavite, kungsaan gamot pa ng mga ito ang pangalan ni Philippine National Police Chief, Gen. Rommel Rommel Francisco Marbil.
Ang pagbuwag sa sindikato nina Ka Minong, Hero at Jun Toto ay dapat idagdag ni Marbil sa ‘marching order’ sa bagong talagang Criminal Investigation and Detection Group na si MGen.Nicolas Torre III.
Si Torre III ay alam ng buong bansa na maaasahang heneral at nemesis ng dati ay puganteng Kingdom of Jesus Christ religious group leader Pastor Apollo Quiboloy na wanted din sa malalaking kaso sa Estados Unidos.
Dapat patutukan sa matapang, walang sinasanto- mayaman man, prominente sa lipunan o kaya’y opisyal ng pamahalaan ang mga ilegal na aktibidad nina Ka Minong, Hero at Jun Toto lalo na ang operasyon ng mga ito ng mga bookies ng EZ2, lotteng sa lahat na barangay sa Dasmariñas City, na ang pinakamalaking kubransa ay pinamamahalaan ng kabo at drug pusher ni Jun Toto na sina Kap Abner, Nilo, Magno. Nagkukuta ang mga ito sa Area G, Bautista, Sta. Maria at dalawang barangay ng San Luis.
Ang perwisyong kunyari ay karnabal ngunit mala casino na pasugalang prente ng bentahan ng shabu ay tinukoy din ng MKKB na dapat nang lipulin. Ang mga ito ay ino-operate ng isang “Lodie” sa Brgy. Ibayo, sa Naic;Tetet sa Brgy. Salawag, Dasmariñas City; at Jesseca na nag-o-operate din ng maraming pergalan sa iba’t ibang panig ng lalawigan.
Ang mga sakla den nina Ka Minong at Hero ay sa mga barangay at maging sa Poblacion ng bayan ni Amadeo Mayor Reden John Dionisio, mga munisipalidad ng Noveleta, Ternate, Kawit, Maragondon, Bailen at Magallanes, at siyudad ng Bacoor, Dasmariñas at Cavite. Hindi rin dapat paligtasin ang pulis na si “Ewang” na sakla operator ng Dasmariñas City, Joji ng Amadeo at ilang iba pa.
Hinimok din ng MKKB sina Marbil at Torre III na lansagin ang paihi/buriki operation ng magkakasosyong Amang at Violago Group na may kuta sa Brgy. Bancal, Carmona City at deka-dekada nang nagnanakaw ng petroleum at LPG product sa siyudad ni Mayor Dahlia Loyola, ngunit dahil sa tongpats ay di matinag ng kapulisan ni Carmona City Police Chief LtCol. Jefferson Ison.