Nangunguna pa rin si incumbent Caloocan Mayor Along Malapitan sa listahan ng mga mamamayan ng Caloocan bilang kanilang alkalde.
Batay sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) pagkatapos ng paghahain ng kandidatura ng mga nais tumakbo sa lokal na halalan nitong Oktubre, 81% ng mga botante ng Caloocan ang nais pa ring magpatuloy si Malapitan bilang punong lungsod habang ang katunggali nito na si dating Senador Antonio Trillanes naman ay nakakuha lamang ng 15%.
Kamakailan ay pinarangalan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang administrasyon ni Malapitan matapos tanghalin ang Caloocan bilang isa sa mga “Most Business Friendly Cities” sa Metro Manila habang ginawaran naman ng Anti-Red Tape Authority (ARTA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Information and Communications Technology (DICT) ng Seal of eBoss Compliance ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan para sa pagpapatupad nito ng fully-automated na Business-One-Stop-Shop.
Itinanghal din ang Lungsod ng Caloocan bilang pang-walo sa mga pinakamahusay na Highly-Urbanized Cities (HUCs) sa buong bansa pagdating sa pagpapalago ng local source revenues.
Kasunod nito ay idineklara rin ng PCCI ang kanilang commitment of support sa pamumuno ni Malapitan dahil sa kanyang mahusay na mga polisiya at programa upang itaguyod ang mga lokal na negosyo sa lungsod.
“We recognize the commendable efforts of Mayor Along to support the business community in the city, driven by his exemplary leadership and valuism. The Caloocan chapter of the PCCI pledges its full support in the city’s effort to be recognized as the most business-friendly LGU,” ani Mr. Oliver Uy, Pangulo ng PCCI-Caloocan.
Ayon sa mga residente ng lungsod, ang kanilang patuloy na pagtitiwala at pagsuporta kay Malapitan ay dahil na rin sa mga programa nito tulad ng pagpapailaw sa mga kalsada, mga mega infrastructure projects, libreng serbisyong pangkalusugan, libreng pag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo, at mabilis na pagtugon noong kasagsagan ng Bagyong Carina, Enteng, at Kristine.