Advertisers
NASABAT ng anim na iba’t ibang ahensya ng gobyerno na pinamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR) at ng Bureau of Customs-Customs Anti Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF) ang dalawang parcels na naglalaman ng mahigit P10-milyon halaga ng Kush o high-grade marijuana sa Paranaque City.
Sa ulat mula sa PDEA-NCR, kasama sa operasyon ang mga ahensya ng PNP Aviation Security Group (AVSEG), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG) at National Bureau of Investigation (NBI), 11:30 ng tanghali sa Cargohaus, Liwanag, Parañaque City.
Sa isinagawang imbestigasyon, ang dalawang parcel na idineklara bilang mga ‘Herbal Tea’ na isinakay sa barko ng Ohio Tea Company ng 5154 Fulton Dr NW Canton OH 44718 sa pamamagitan ng Trident Logistics ng 712 South Hindry Ave ay naka-consign sa isang Alfredo D. Roa ng Mayuga Street, Tambo, Parañaque City.
Sa isang parcel, may tracking number USPS 9270 1513 3115 2835 3666 6382 04, ay may limang foil pack na may tatak “Jasmine Pearls Green Tea” na naglalaman ng 3,570 Marijuana Kush na nagkakahalaga ng P4,998,000; habang ang isa namang parcel ay mayroon din limang foil ng “Jasmine Pearls Green Tea” na naglalaman ng 3,584 gramo ng Marijuana Kush na nagkakahalaga ng P5,017,600.
Sa kabuuan, nakasamsam ang mga operatiba ng 7,154 gramo ng marijuana kush worth P10,015,600.
Dinala ang mga narekober na ilegal na droga sa PDEA Laboratory Service habang sasampahan ng kasong paglabag sa Section 4 Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek.