Advertisers
INAMIN ni Atty. Zuleika Lopez sa House Committee on Good Government and Public Accountability na may kinalaman si Vice President Sara Duterte sa kanyang liham sa Commission on Audit (COA) na may petsang Agosto 21, 2024 na kanya ring nilagdaan, na humihiling sa ahensiya na huwag kilalanin ang subpoena na inisyu ng Kamara tungkol sa isinasagawang imbestigasyon sa diumano’y paglustay ng P612.5 milyong confidential funds na ginastos ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education.
“With this letter para ayaw n’yong malaman ng bayan kung paano n’yo ginastos ang pera na pinagkatiwala sa inyo?”, tanong ni Quezon 2nd District Representative David “Jay-jay” Suarez.
Sinabi ni Suarez na dapat hinayaan nalang ng OVP na iprisinta ang COA findings sa Kamara dahil karapatan ng publiko malaman kung paano ginastos ng ahensiya ang pondo ng bayan.
“That letter is not to belittle or undermine the power of Congress,” giit naman ni Lopez.
Samantala, hinihikayat ni House Speaker Martin Romualdez si VP Duterte na magpakita sa House of Representatives hearings kung masama ang loob niya sa mga itinatanong sa kanyang mga personnel hinggil sa mga kuwestiyunableng paglustay sa confidential funds ng kanyang tanggapan.
“E ‘di dapat lang siyang sumipot at mag-oath at magsalita at mag-eksplika dahil lahat ng mga opisyales niya (parang hindi alam” siya (Duterte) lang yata may alam kung anong nangyari d’yan sa mga pondo eh,’ sabi ni Romualdez sa mga mamamahayag nang dumalo sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Albay nitong Huwebes.