Advertisers
NAGSIMULA nang bumalik ang libu-libong byahero sa Metro Manila matapos gunitain ang Undas sa kani-kanilang probinsya.
Base sa pinakahuling ulat ng National Capital Region Police Office o NCRPO, pumalo na sa mahigit 3,000 ang mga pasahero sa mga bus terminal sa Kalakhang Maynila, na inaasahang mas lolobo pa sa mga susunod na oras at araw.
Pahayag ni Emelito Dua, Terminal Master, marami na umanong nagsibalikang pasahero at punuan na ang mga bus mula sa iba’t ibang ruta gaya ng Batangas, Pangasinan, at iba pang kalapit na probinsya.
Ganundin ang naging pahayag ni Bryan Amorato, Terminal Manager. Aniya, maaari pa itong tumagal hanggang bukas at sa mga susunod na araw bunsod ng pagtatapos ng Undas.
Dagdag pa ni Amorato, kabaligtaran naman ito ng sitwasyon ng mga umuuwi mula Metro Manila patungong probinsya.
Samantala, nakapanayam din ng Bombo Radyo ang ilang byahero, kabilang si Liza Riva na pauwing Batangas, at ayon sa kaniya, naging matiwasay ang selebrasyon ng Undas dito sa Metro Manila dahil umano sa kakaunting tao at maayos na patakaran at alintuntunin sa mga sementeryo.
Mula ngayong Martes, Nobyembre 3, inaasahan na ang pagbabalik ng regular na operasyon sa mga pangunahing sementeryo sa bansa, kabilang ang Manila North Cemetery at Manila South Cemetery.