NATAGPUANG bangkay ang tatlo katao na pinaslang gamit ang itak sa bakanteng lote ng Sto. Niño Compound, Barangay Mayapa, Calamba City, Laguna, Lunes ng umaga, November 25, 2024
Kinilala ang mga nasawi na sina Felix Busion, 64- anyos; isang alyas “Vivian”, nasa hustong gulang; at Dante Luzano, nasa hustong gulang, mga residente sa lugar ng pinangyarihan ng krimen.
Kinilala naman ang pangunahing salarin na si alyas “Anthony”, 41, ng Barangay Sto. Niño ng kaparehong lungsod.
Ayon sa report ni Calamba City Chief of Police, Colonel Jay Cuden; kay PRO 4A Ca-labarzon Regional Director, Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, bago nangyari ang krimen ay ipinagtapat umano ni alyas “Cherry”, 36, live-in partner ng salarin na si alyas “Anthony” na nagkaroon muna ng masayang inuman ang mga biktima at ang salarin sa tapat ng barong barong ng mga biktima, at bigla na lamang umanong sinugod ng taga sa ulo at katawan si Dante na pinaghihinalaang may relasyon sa live-in partner ng salarin, at isinunod na pinaslang din sina Busion at Vivian bago mabilis na tumakas kasama ang kanyang live-in partner.
Nadakip ng mga tauhan ng intelligence section ng Calamba City PNP ang salarin sa manhunt operations at positibong itinuro ni alyas “Cherry” na si Anthony ang responsable sa krimen.
Mahaharap ang salarin sa kasong Multiple Murder.(Koi Laura)