Diniskuwalipay pala ng Commission on Election (Comelec) ang kandidatura ni dating Caloocan City 2nd District Congressman Egay Erice, para sa election 2025.
Teka, paano nangyari iyon samantalang dati na siyang mambabatas sa loob ng maraming taon.
Oo nga naman, ba’t biglang nadiskuwalipay si Erice samantala sa mga nakaraang na pagtakbo hanggang sa manalo pa ito ay hindi naman ibinabasura ng Comelec ang aplikasyon nito.
I hope, na ang pananabla ng Comelec kay Erice ay walang kinalaman sa pagbabatikos ni Erice sa ilang opisyal ng ahensya kaugnay sa pinasok na kontrata ng ahensya sa paggamit ng mga makina na gagamit sa halalan sa Mayo 2025.
Ano sa tingin niyo may dear fellow Filipino, wala nga bang kinalaman ang pagkuwestiyon ni Erice sa automated machine – vote counting machine kaya tinabla ng Comelec ang kanyang kandidatura?
Kung hindi pa ako nagkakamali, kinasuhan pa ni Erice ang ilan opisyal ng Comelec sa Ombudsman. Kaya, wala nga bang kinalaman ang lahat nang naging hakbangin ni Erice laban sa Comelec?
Hindi nga ba, ginantihan lang ng Comelec si Erice? Nagtatanong lang po ha at hindi nanghuhugas.
Kung babasahin ang ginawa ng Comelec kay Erice, tila’y naasar o napikon ang nabanggit na ahendya ng pamahalaan kay Erice kaya diniskuwalipika ito na tumakbo sa 2025 midterm elections.
Heto na ang pagbubunyag pa ni Erice…sa pulong balitaan sa Quezon City, naniniwala ang dating mambabatas na ang diskuwalipikasyon na inilabas ni Comelec Chairman George Garcia laban sa kanya ay bunsod ng galit nito.
Ani Erice, ang lahat ay dahil sa walang tigil niyang pagkuwestiyon sa kontrata at paggamit ng makina ng Miru. Diniskuwalipika si Erice nito lamang Miyerkoles ng hapon.
Aniya na ang dahilan ng Comelec sa pagdikuwalipika sa kanya ay ang pangugulo sa eleksiyon at pag-impluwensiya sa mga botante na mawalan ng tiwala sa ahensiya.
Panggugulo sa eleksyon? Teka, nag-umpisa na ba ang halalan o ang campaign period? Hindi pa naman ha. Paanong sabihin na nanggugulo ang mama?
Kasama ang kanyang legal counsel na si Atty Rolando Asuncion, sinabi ni Erice na wala siyang ginagawang panggugulo at pag- iimpluwensiya sa mga botante dahil sa wala pang nagaganap na halalan.
Sinabi ni Erice na nagtataka siya kung bakit patuloy ang pagtaganggol ni Garcia sa Miru gayong sablay ang mga nais nitong ipatupad at hindi maipaliwanag ang bagong sistema ng makina. Giit pa ni Erice, hindi maaaring gumamit ng prototype machine sa halalan.
Nakatakdang maghain ng motion for reconsideration si Erice at tiniyak na hindi siya titigil na kuwestiyonin ang anomalya ng Comelec.