Pumanaw na ngayong araw Nobyembre 29 2024 ang kauna-unahang babaeng Senador na nagmula sa lahing Muslim, Senadora Santanina Tillah Rasul na hindi kayang tawaran ang naiambag nito sa ating bansa.
Base sa naging pahayag ni Deputy Minority Leader Congressman Mujiv Hataman, labis na ikinalulungkot ang pagpanaw ni dating Sen. Santanina Rasul, ang kauna-unahang babaeng Muslim na naging senador ng Pilipinas.
Si Sen. Rasul ay naging isang tapat na lingkod-bayan. Isinulong niya ang mga batas na nagtaguyod sa karapatan ng mga Muslim at mga kababaihan na nagbigay-daan sa kanilang mas aktibong partisipasyon sa iba’t ibang larangan.
Kabilang sa mga mahahalagang batas na kanyang isinulong ang Republic Act No. 7192 o ang “Women in Development and Nation-Building Act,” na nagbukas ng pinto ng Philippine Military Academy para sa mga kababaihan at nag-atas na bahagi ng pondo ng gobyerno ay ilaan sa mga programang makikinabang ang kababaihan.
Siya rin ang isa sa mga pangunahing may-akda ng Republic Act No. 6949 na nagdedeklara sa ika-8 ng Marso bilang National Women’s Day sa Pilipinas.
Bilang senador, naging tagapangulo siya ng Senate Committee on Civil Service and Government Reorganization at ng Committee on Women and Family Relations kung saan ipinamalas ni Sen. Rasul ang kanyang dedikasyon sa pagsusulong ng mga reporma para sa ikabubuti ng sambayanan.
Ang kanyang mga kontribusyon sa larangan ng edukasyon, karapatan ng kababaihan at kapayapaan ay nagsilbing inspirasyon sa marami, kasama na ang representasyong ito.
Lubos kaming nagpapasalamat sa kanyang paglilingkod at mga naiambag sa ating bansa. Ang kanyang legacy ay mananatiling buhay sa puso ng bawat Pilipino. Nakikiramay kami sa kanyang mga kaanak at kaibigan sa kanyang pagpanaw. (Cesar Barquilla)