NASAWI ang dalawang estudyanteng Moro na magka-angkas sa motorsiklo nang tambangan ng mga armadong nakapuwesto sa gilid ng kalye sa Barangay Inug-ug, Pikit, Cotabato nitong Martes ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Pikit Municipal Police Station na natanggap ng mga reporter, isang oras makalipas ang insidente, patungo sa kanilang paaralan si Muslimin Saimin Sandialan at Rafael Andig Indong, kapwa Grade 11 students, nang ma-ambush.
Patay agad sa mga tama ng bala si Sandialan, habang sa hospital nalagutan ng hininga si Indong.
Mabilis na nakatakas ang mga salarin, ayon sa mga imbestigador ng lokal na pulisya at barangay officials sa Inug-ug.
Ang nasawing magkaklase ay nakatira hindi kalayuan sa Barangay Kabasalan, sa bagong tatag na bayan ng Ligawasan na sakop ng Bangsamoro region ngunit nasa Cotabato na isa sa apat na mga probinsya ng Administrative Region 12.