PINADALHAN narin ng National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena ang ilang media na nasa press conference, at staff ni Vice President Sara Duterte.
Inihatid sa opisina ng Bise Presidente ang panibagong subpoena laban sa kanya.
Kasama sa ipinatawag ng NBI ang dating Malacanang spokesperson na si Atty. Trixie Cruz-Angeles na kasama rin sa nasabing press conference.
Nakatakdang humarap sa NBI si VP Sara sa Disyembre 11, habang ang ibang pinadalhan ng subpoena ay mauunang haharap sa loob ng linggong ito.
Ang paghahain ng subpoena sa ilang indibidwal ay para magbigay ng salaysay at sagutin ang mga katanungan ng NBI.
Paliwanag ng NBI, ang paghahain ng subpoena sa staff at media ay hindi nangangahulugan na sila ay mga suspek ngunit para magbigay ng paglilinaw hinggil sa ginawang press conference.
Nauna nang ipinatawag ng NBI si Duterte noong Nob. 28 ngunit hindi ito humarap at sa halip ay nagpadala ng sulat sa kanyang abogado at hiniling na i-reschedule ng Dis.11
Ayon sa NBI, sakaling hindi parin humarap si Duterte sa nasabing petsa at walang malinaw na paliwanag, ituturing na itong waiver o mababalewala na ang kanyang karapatan na magpaliwanag o mapakinggan.(Jocelyn Domenden)