Advertisers
Matapos opisyal na maiproklama noong Sabado sa Manila Hotel, hindi nag-aksaya ng panahon si Senator Christopher “Bong” Go sa pagtungo sa Barangay 118 at 123 sa Tondo, Maynila, upang personal na alamin ang kalagayan ng mga pamilyang nasunugan kamakailan.
Ang sunog na sumiklab noong Abril 23, ay nakaapekto sa tinatayang 154 pamilya sa Barangay 118 at 897 pamilya sa Barangay 123.
Katulad ng kanyang ginawa pagkatapos ng halalan noong 2019—binisita rin ni Go ang mga biktima ng sunog sa Caloocan City pagkatapos mismo ng kanyang unang proklamasyon. Pinatutunayan nito ang mabilis at on-the-ground na pagseserbisyo sa publiko ng senador.
“Noong panahon ng kampanya hindi po kami pwedeng pumunta sa mga nasunugan. Ngayon tapos na po ang eleksyon, tapos na po ang proclamation kaya bumalik po ako dito dahil ‘yon naman po ang pangako ko sa kanila na may eleksyon o wala, pupuntahan ko ‘yung mga nasunugan kung may panahon po ako at may pagkakataon,” ani Go sa ambush interview.
Kilala bilang “Mr. Malasakit” para sa kanyang mahabaging tatak na serbisyo, binigyang-diin ni Senator Go na mas gugustuhin niyang maglaan ng oras sa mga biktima ng sunog kaysa magselebra pagkatapos ng proklamasyon.
“Gusto ko silang tulungan dahil gusto kong ilapit ang gobyerno sa kanila. Gusto kong pumunta sa kanila. Hindi ko matiis na nakaupo sa opisina. Mas gusto ko pong makipag-boodle fight dito kaysa pumunta po sa mga hotel after my proclamation para kumain sa mga hotel na magagara. Mas pinili ko pong pumunta rito, makihalubilo sa kanila at tumulong sa mga nasunugan,” sabi ni Go.
Binigyang-diin ni Senator Go na ang kanyang pangako sa mahihirap ay nananatiling pareho noong siya ay unang pumasok sa Senado.
“Gagawin ko po ang aking trabaho at gusto kong ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa ating mga kababayan lalo na sa mga mahihirap. Salamat po sa tiwala, salamat po sa pagkakataong makapagserbisyo sa ating mga kababayan,” aniya.
Iginiit ang kahalagahan ng pangmatagalang paghahanda sa mga sakuna, iniakda ni Senator Go ang Republic Act No. 12076, o ang Ligtas Pinoy Centers Act. Layon ng batas na magtayo ng mga permanente, ligtas, at may mahusay na kagamitan sa mga evacuation center sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa bansa. Sinabi ni Go na maaalagaan ng mga center na ito ang dignidad at kagalingan ng mga komunidad na naaapektuhan ng kalamidad habang pinabibilis ang mga pagsisikap sa pagrekober.
Bukod sa personal na pamamahagi ng tulong sa mga nasunugan, naglaan din ng oras si Go para makausap si Rosalie Gregorio, kaanak ni Joel Gonzales Gregorio, isang 41-anyos na may stage 3 lymphoma. Nang malaman ang kalagayan ni Joel, agad inasikaso ng Malasakit Team ang paglilipat sa kanya sa Tondo Medical Center para sa kinakailangang admission sa ospital, medical check-up at tulong-medikal.
Nakipag-ugnayan din ang team sa Malasakit Center para mapabilis ang tulong-medikal at pagsusuri sa pasyente sa Emergency Room. Ang Malasakit Centers ay one-stop shop na sumusuporta sa mahihirap na pasyente sa pagbabawas ng kanilang mga gastos sa ospital sa pinakamaliit na posibleng halaga. Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.
Sa ngayon, 167 Malasakit Centers ang operational sa buong bansa, na handang tumulong sa mga gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyente.