VM Yul, pinasalamatan ang lahat ng sumuporta sa kanila ni Mayor Honey sa loob ng 3 taon
Advertisers
PINANGUNAHAN ni Manila Vice Mayor Yul Servo ang regular flagraising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes kung saan pinasalamatan niya ang lahat ng sumuporta sa kanila ni Mayor Honey Lacuna sa loob ng tatlong taon. Pinaalalahan din niya ang mga kawani n laging ngumiti kapag naglilingkod.
Pinasalamatan din ni Servo ang mga Manileño sa pagbibigay sa kanya ng opurtunidad na makapaglingkod bilang bise alkalde at pamunuan ang Manila City Council.
Ipinagkakapuri ni Servo ang paghawak sa timon ng Konseho sa pamamagitan ng pag-i-estabilisa ng Manila City Council website, kung saan ang lahat ng city ordinances na nasa 9,000 ang bilang ay matatagpuan.
Ayon kay Servo, ang Council’s Code of General References ay mas madali na ngayon gamitin ng sinuman gamit ang mga lokal na batas, lalo na para sa mga barangay officials, policemen, judges at prosecutors, kapag naghahanap ng isang partikular na batas na kailangan nila.
Binigyang kredito rin ng bise alkalde ang kanyang mga kawani sa tulong na nagawa ng mga ito upang maisakatuparan ang nasabing website.
Samantala, nanawagan si Servo sa lahat ng mga empleyado na laging ngingiti kapag humaharap sa mga residente at naglilingkod dahil maihahambing aniya ang kanilang trabaho sa doktor na ang ngiti ay kagyat na nakapagbibigay ng lunas sa isang pasyente kapag trinato ng mabuti at may ngiti.
“‘Wag sana mawala sa atin ang kusang pagtulong dahil di naman sila pupunta sa atin kung hindi nila kailangan ng tulong. Ngitian agad natin sila para mapawi ang lungkot,” dagdag pa ni Servo. (ANDI GARCIA)