Advertisers

Advertisers

Ang totoong problema ng PCO

0 7,267

Advertisers

SA loob lamang ng tatlong taon, apat na ang naging kalihim ng Presidential Communications Office (PCO). Bawat isa’y may kanya-kanyang taglay na kakayahan, karanasan, at istilo ng pamumuno. Mula sa mga beteranong broadcaster hanggang sa mga bihasang PR practitioner, tila ba angkop sila upang pamunuan ang pangunahing sangay ng komunikasyon ng pamahalaan. Ngunit isa-isa silang bumagsak. Ang mabilis na palitan ng liderato sa PCO ay naging karaniwang pangyayari na, at ito’y nagtutulak sa publiko na magtanong: Kasalanan ba ng mga personalidad na naitalaga, o may mas malalim na suliraning bumabagabag sa ahensya mismo?

Kailangang linawin: ang madalas na pagpapalit ng liderato sa PCO ay hindi magandang senyales para sa administrasyon. Gaya ng sinabi ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI) sa kanilang pahayag noong nakaraang linggo: “Ang pagpapalit ng mga lider sa kalagitnaan ng laban ay nagpapadala ng maling mensahe.” Isa itong mensahe ng kawalang-tatag, kawalan ng direksyon, at kaguluhan sa isang ahensyang dapat ay nagsisilbing tinig ng Pangulo.

Pangalawa—at mas nakakabahala—ang ganitong kawalang-stabilidad ay sintomas ng mas seryosong karamdaman.

Ayon sa ilang dating opisyal ng PCO, may isang maliit ngunit makapangyarihang grupo sa loob ng ahensya—binubuo ng mga kabataang baguhan, na sa kabila ng kakulangan sa karanasan, ay may malawak na impluwensiya dahil sa pagiging malapit sa kanilang mga amo. Hindi sila basta tagapanood lamang. Sila ang totoong nagpapatakbo ng ahensya sa likod ng tabing.

Sinasabi ng mga dating kawani ng PCO na mga sinibak noon pa na ang grupong ito ang ugat ng maling direksyong tinatahak ng PCO—gumagawa ng mahahalagang desisyon nang palihim, binabalewala ang mga beteranong propesyonal, at itinuturing ang buong estruktura ng komunikasyon ng Pangulo bilang isang personal na eksperimento. Ang bawat itinalagang kalihim, gaano man kahusay ay nagiging isa na lamang rubber stamp. Wala silang tunay na kapangyarihan, at sila’y isinasantabi habang ang grupo ng BAGETS ang humahawak ng lahat—mula sa estratehiya ng nilalaman hanggang sa paggasta ng badyet. Uulitin ko BADYET!

Oo! kung usapin ay badyet, ang grupong ito ay may kontrol sa daan-daang milyong piso sa pondong bayan, kabilang ang mga media placement at social media production project. Isang simpleng sulyap sa General Appropriations Act ay magpapakitang tunay na napakasarap ng posisyon ng mga “pinalad” na ito. Hindi na ito tungkol sa serbisyo publiko. Isa na itong laban para sa kapangyarihan at akses sa kaban ng bayan. Mismo!

Masakit mang aminin, ngunit hangga’t hindi naaayos ang kabulukan sa loob ng ahensya—hangga’t hindi mismo ang Pangulo ang magdesisyong bawiin ang kontrol mula sa grupong ito—patuloy na mawawala ang kredibilidad at layunin ng PCO. Hindi sapat ang kwalipikasyon at mabuting hangarin. Sa kasalukuyang PCO, ang tanging tunay na kwalipikasyon ay katapatan sa isang paksyon, hindi sa bayan.

Kaya sa susunod na nakatakdang maupo—good luck!!! Mas kailangan mo ‘yan kaysa sa anupaman.