Advertisers
MATAGUMPAY na naa-resto ang mag-asawang itinuturong utak sa likod ng halos P5 bilyong investment scam kasama ang kanilang sekretarya sa magkahiwalay na operasyon sa Occidental Mindoro at Batangas.
Kinilala ang mag-asawa na sina Ronald Rivera, 34 anyos; at misis na si Shielan Criscel Dimaano-Rivera, 34, mga residente ng Villa Rosa Subd., Antipolo del Norte, Lipa City, na may warrant of arrest mula sa Las Piñas City Trial Court para sa kasong ‘syndicated estafa’.
Ayon kay Major Charlie Reyes, hepe ng Cuenca Municipal Police Station, na-monitor ang mag-asawa sa isang tagong lugar sa Barangay Poblacion, Calintaan, Occidental Mindoro, kungsaan sila nagtatago at nakapagpatayo pa ng isang batching plant.
Naaresto naman ng mga tauhan ng Alitagtag Batangas Police ang 29-anyos na sekretarya ng kumpanya sa isang hiwalay na operasyon.
Nagsimula ang scam noong 2021, kungsaan inengganyo ang mga biktima na maglagak ng pera sa negosyo ng mga suspek na umano’y konektado sa PAGCOR at may malalaking kompanya gaya ng e-Bingo at cement production, na nangangako ng dobleng kita sa loob lamang ng 10 araw bago magsimulang tumalbog ang mga tseke.
Taon 2023 pa nagtungo ang mga nabiktima ng kompanya ng mga suspek sa Department of Justice (DOJ) sa Maynila para humingi ng tulong.
Ayon kay Atty. Francis Maynard Sabili, kasong syndicated estafa, falsification, usurpation of authority, illegal use of uniforms and insignia at BP 22 (Anti Bouncing Check) ang inihain laban kay Rivera at walong iba pa.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad at patuloy na pinaghahanap ang iba pang kasabwat ng mag-asawa na umano ay mga kaanak din nila.