Advertisers
HINDI maaaring pilitin ang mga senador na mag-inhibit bilang senator-judge sa impeachment court na lilitis kay Vice President Sara Duterte.
Sa press briefing, sinabi ni Escudero na ang pagpigil sa isang senador mula sa paghawak ng kaso ay hindi awtomatiko at hindi rin maaaring iutos dahil lamang sa opinyon ng publiko.
Inihalimbawa niya ang nangyari sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012, kung saan hiniling ng depensa na mag-inhibit si Senador Franklin Drilon.
Ayon kay Escudero, dinesisyunan ang naturang usapin sa pamamagitan ng pormal na mosyon, na iginagalang ang kalayaang magpasya ng mambabatas.
“But generally, ang pag-recuse, ang pag-inhibit is voluntary on the part of the impeachment court judge.
Nakita na nating nangyari ‘yan sa ibang impeachment na kaso, kung maalala ninyo, ang defense panel hiniling na mag-inhibit si senator-judge Drillon no’ng impeachment ng Chief Justice Corona. Ang decision ng impeachment court dun ay hindi yan pwedeng pagbotohan,” sabi ni Escudero.
Giit pa niya, “No impeachment court judge was forced to inhibit.”
Una nang napaulat na ilang senador ang namataan kasama si VP Duterte sa publiko, iginiit niyang hindi sapat ang ganitong batayan upang agad na sabihing hindi sila patas.
Kabilang dito sina Senators Ronald “Bato” dela Rosa, Imee Marcos, at Robin Padilla.
Ipinaliwanag din ni Escudero na ang impeachment ay hindi isang criminal case kundi isang prosesong pampulitika na nakalaan sa mga halal na kinatawan ng taumbayan. (Mylene Alfonso)