Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
PINATULAN ni Bianca Gonzalez ang mga taong minumura at nagbabanta pa sa mga housemates ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition, na hindi nila gustong manalo.
Sa kanyang X post, nagpaalala ang PBB host sa madlang pipol, na may kanya-kanyang bet na housemates ang bawat manonood at mga taong may damdamin din ang mga pinagbabantaan at minumura nila.
“Totoong tao yung pinag-uusapan ninyo, may totoong pamilya’t mahal sa buhay na nakakabasa ng pino-post ninyo.
“Is this really the kind of person na gusto niyo maging? Bakit? And for what yung ganu’ng post?” pahayag ni Bianca.
Ito’y matapos ngang mag-viral ang paglabas ng PBB Duo na sina Shuvee Etrata at Klarisse de Guzman sa Bahay ni Kuya sa naganap na eviction night last Saturday, June 14.
Marami ang kumuwestiyon at nalungkot sa naging resulta ng botohan sa naturang eviction night at nagsabing hindi deserve ng ShuKla (Shuvee at Klarisse) ang mapalayas sa PBB house.
Na naging dahilan nga para magalit ang ilang netizens.
***
KUNG yung ibang celebrites ay ayaw umamin o nagde-deny na may ipinabago sila sa parte ng kanilang katawan o nagparetoke sila, sa kaso ng singer na si Lani Misalucha ay never niyang ikinahiya o dinenay na nagparetoke siya ng kanyang ilong.
Proud pa nga ang award-winning singer na sumailalim siya sa “nose job” dahil alam daw niyang wala siyang ginawang masama at hindi siya siya nanghamak o nanloko ng kapwa.
Sa episode ng “Ogie Diaz Inspires” ni Ogie Diaz, napag-usapan nga nila ni Lani ang tungkol sa guesting niya sa ASAP last March, kung saan ay binanggit niya rito ang pagpaparetoke niya ng kanyang ilong na talagang ikinahagalpak ng mga host ng show, kabilang na sina Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Zsa Zsa Padilla at Martin Nievera.
“Kapag nakita n’yo ‘yung mga YouTube (video) ko du’n, sa ASAP, oo, hindi pa gawa ilong ko du’n,” natatawang sabi ni Lani.
Pero sabi naman ni Gary Valenciano, kahit ano pa ang itsura niya ay mananatili pa rin ang pagmamahal, pagrespeto at paghanga nila sa kanyang talento.
Sa panayam nga ni Ogie kay Lani, inamin din ng host na talagang natawa rin siya sa naging hirit ng Asia’s Nightingale sa nasabing noontime varety show ng ABS-CBN.
Reaksyon ni Lani, “Totoo naman. Kapag tiningnan mo ‘yung mga clips ng mga guesting ko dati sa ASAP, makikita mo ‘yung difference. Before and after.
“’Yung mga hindi nga artista nagpapaayos, e. ‘Wag na kayong magtanong. Ako na magsasabi kasi kita mo naman ang difference,” aniya pa.