Transport measures sa NAIA pinalakas ng NNIC dahil sa overcharging incident
Advertisers
AGAD na gumawa ng hakbang ang New Infra Corp. (NNIC) upang mapalakas ang sistema ng transportasyon, gayundin ang proteksyon ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kasunod ng nakaraang insidente kaugnay ng iligal na pagsingil ng sobra ang pasahero sa isang short trip sa pagitan ng mga terminals.
Ang insidente na naging viral sa social media ang nagtulak sa Department of Transportation (DOTr) para sibakin ang limang airport police officers sa ilalim ng Manila International Airport Authority (MIAA) dahil sa kanilang kaugnayan sa pangongotong sa mga taxi drivers na nago-operate sa airport, ayon kay NNIC general manager Lito Alvarez.
Sa kabila na ang airport police ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng MIAA , ang NNIC bilang private operator ng NAIA ay mahigpit na nakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan at sa pagpapatupad ng mga hakbang upang tiyakin na hindi na maulit ang insidente, dagdag pa ni Alvarez.
Simula nang mamahala sa operasyon noong Setyembre noong isang taon ang NNIC, itinuloy nito ang transport accreditation system na kanilang namana sa pamahalaan. Ang setup ay upang tiyakin na ang mga awtorisadong behikulo lamang mula sa itinakdang booths at naniningil ng transparent rates ang pwedeng mag- pick up ng mga pasahero sa mga terminals.
Nagsasagawa din ngayon ang NNIC ng full audit upang matukoy kung aling accreditations ang nanatiling valid, kung anong kontrata ang mapapaso na at ano ang mga hindi nakakatupad sa itinakdang pamantayan.
Nitong Disyembre, naglunsad ang NNIC ng sentralisadong transport hub sa Terminal 3 para sa app-based ride-hailing services tulad ng Grab at Joyride Super Taxi — upang tiyakin ang maayos na pickups at magbigyan ang mga pasahero ng mas mahiusay na transportasyon.
Nagdagdag na rin ng mas maraming CCTV cameras at nag- deploy ng mga karagdagang security personnel upang mapalakas ang monitoring at pagpapatupad sa buong airport — kabilang na ang mga lugar na di na sakop ng terminal curbsides.
Ang pinalawak na coverage ay bahagi ng kasalukuyang hakbangin upang maiwasan ang unauthorized pickup ng mga pasahero.
Bago pa nangyari ang insidente ay itinaas na ng NNIC ang bilang ng inter-terminal shuttle buses, na bumibyahe kada 15 minuto para sa mas mabilis at mas convenient para sa mga pasahero na lumipat mula sa mga terminals ng walang bayad.
Para matulungan ang mga pasahero na madaling matukoy ang lehitimong transport providers, ang NNIC ay nakatakdang magbigay ng mga bago at mas madaling makitang accreditation markings na may tamper-resistant features.
Palalawakin din ng NNIC ang monitoring systems, maglulunsad ng passenger awareness campaign at gayundin ng digital reporting tool para mas madaling makapagreport ang mga biyahero ng mga insidente at makatanggap ng mas mabilis na tulong.
Binigyang-diin ni NNIC President Ramon S. Ang ang layunin ng kumpanya na mai- upgrade ang transport standards at proteksyunan ang riding public.
“Incidents like this should never happen, and we are taking immediate steps to make sure they don’t happen again,” ani Ang .
“Passengers deserve a safe, fair, and stress-free experience at NAIA — and that’s exactly what we intend to deliver, ” dagdag pa nito. (JERRY S. TAN)