Advertisers
TODO tanggi, siempre!, ang gambling tycoon na si Charlie “Atong” Ang na siya ang mastermind sa pagdukot at pagkawala ng umano’y mahigit 100 sabungero noong kasagsagan ng kanyang online sabong.
Kung hindi sa Atong ang nasa likod ng pagdukot at umano’y karumal-dumal na pagpatay sa naturang mga sabungero, sino ka? May iba pa bang may malupit na rason para dukutin at paslangin sila?
Kung ating hihimayin ang mga rebelasyon ni Julie Patidongan alyas “Totoy” ang mga rason kung bakit dinukot, kinatay at itinapon sa Taal Lake ang naturang mga sabungero, ito’y kapani-paniwala.
Oo! kapani-paniwala ang sinabi niyang si Atong Ang ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.
Ayon pa kay Totoy, pinadukot ni Atong ang naturang mga sabungero dahil kung hindi niya ito gagawin ay babagsak ang kanilang negosyo, online sabong, sa ginagawang pangti-tiyope ng missing sabungeros. Believable, ‘di ba,mga pare’t mare?
Ang huling anim na sabungerong nawawala ay nahagip ng CCTV camera na bitbit ng mga security palabas ng Manila Arena, ang sikat na sabungan sa Sta. Ana na pag-aari ni Atong Ang.
At ang isa sa mga suspek sa pagdukot dito ay si Totoy, na siyang chief security ni Atong sa kanyang mga sabungan at gamefarm.
Kaya kapani-paniwala talaga ang mga rebelasyon ni Totoy. Kasi nga doon siya raw mismo sa crime scene, at most of the time ay kasama si Atong. Magkumpare nga sila eh. Inaanak nina Atong at ng aktres na si Gretchen Barreto ang isa sa mga anak ni Totoy.
Kaya nga pati si Gretchen ay isinangkot ni Totoy sa krimen. Kasama raw kasi ang aktress sa pagdesisyon na dukutin at patayin ang mga “tiyopeng” sabungeros.
Todo tanggi, siempre, si Gretchen. Wala raw siyang alam sa krimeng ito. Purely business partner lang daw sila ni Atong. Ganuin?
Si Gretchen simula nang makasosyo kuno ni Atong ay naging instant bilyonarya. Higit P2 bilyon na raw ang yaman nito, pangatlo siya sa pinakamayamang celebrities mula kina Manny Pacquiao at Willie Revillame.
Isinangkot din ni Totoy sina Engr. Celso Salazar at Eric Dela Rosa na kapwa kilalang bigtime sabungeros at mga bilyonaryo narin tulad ni Atong. Magkaka-partner sila eh.
Si Eric, founder at COO ng Pitmaster online sabong, daw ang nagmo-monitor ng mga laban. At sinasabi kay Atong kung may tiyope ang laban. Tapos ikukuha raw nila yung tao, iimbestigahan, titingnan ang mga chat sa celphones nito at pagnakumpirmang mandaraya, hindi na ito pakakawalan, kakatayin agad at itapon sa Taal Lake, sabi ni Totoy.
Again, kung wala ngang kinalaman rito ang grupo nina Atong, may iba pa bang gagawa sa naturang mga sabungero? Mas malabo naman siguro kung ang ituro ay ang untouchable jueteng lord sa Central Luzon na kung tawagin din ay “Alpha”. Kilala n’yo na siguro yun kung sino ito?
Kung paano nagalit si Totoy kay Atong?
Pinagmumura at binantaan daw kasi ni Atong si Totoy at kanyang pamilya. Dito na lumabas si Totoy, nagpa-interview sa brodkaster na si Emil Sumangil ng GMA News. Boom!!!
Sa umpisa, halos walang pumatol sa expose ni Emil. Pero nang ituloy-tuloy niya ang paglabas sa kanyang mga interview kay Totoy ay kinagat na ito ng lahat ng media outlets.
Nagpa-interview narin si Totoy sa halos lahat ng radio at tv stations. Kaya narindi narin ang DoJ, NBI, PNP pati ang Malakanyang. Mismo!
Pinaiimbestigahan narin ni Pangulong Bongbong Marcos ang missing sabungeros. Kaya naman todo kilos na ang DoJ sa pagkalap pa ng mga ebidensiya. Humiling narin daw ito ng tulong sa Japan para sa pagsisid sa Taal Lake kungsaan daw itinapon ang naturang mga sabungero. Dahil habang walang nakukuhang mga bangkay o mga buto manlang ng mga biktima ay walang maisasampang kasong multiple murder sa mga suspek, kina Atong Ang. Yan ang batas.
Subaybayan!