Advertisers
MARAMI sa hanay ng mga importer at iba pang may mga transaksyon sa Aduana ang “nakahinga ng maluwag” (kahit pansamantala) matapos ipatigil ni Comm. Ariel Nepomuceno ang pagsisilbi ng mga ‘LOAs’ (Letter of Authority) na hindi pa naipatupad hanggang makaupo siya sa puwesto nitong Hulyo 1.
Kasabay nito, inutusan rin niya ang bagong “bosing” sa Intelligence Group (IG), Depcomm. Romeo Rosales at Enforcement Group (EG) Depcomm. Nolasco Bathan, na isumite sa kanya ang “imbentaryo” ng mga naging operasyon mula sa mga inisyung LOAs ni Comm. Bienvenido Rubio.
Ang LOA, bilang ‘visitation power’ ng Commissioner of Customs ay isa sa epektibong “sandata” ng BOC na itinatakda ng batas (RA 10863) upang labanan ang problema sa smuggling.
In fairness naman sa mga napalitan, DCI MGen.Juvymax Uy at DCE Atty. Teddy Raval, naniniwala tayong hindi nila “inabuso” ang LOA– sa kabila ng mga alingasngas na natanggap natin partikular sa ilang mga importer at warehouse owners sa Bulacan.
Sa rekord ng gobyerno, umabot sa higit P128 bilyon ang nakumpiskang smuggled goods ng BOC sa halos 2-taon na ‘teamwork’ nina Comm. Rubio at Gen. Uy na kilala natin bilang istrikto, propesyunal at disiplinadong opisyal sapul noong ‘Colonel’ pa lang siya ng Phil. Army.
Sa kabilang banda, hindi nawawala ang bintang na estilong “lagareng Hapon” ang ginawa ng ilang operatiba ng Customs sa paggagmpan sa kanilang trabaho.
Yun bang… “tinarahan” bago nakalabas ng pantalan at “tinarahan” ulit pagdating sa bodega dahil naman sa LOA, aguy!
Kumpiyansa naman tayo na ang utos ni Comm. Ariel ay para rin sa patuloy na ikagaganda ng serbisyo sa publiko at kredibilidad ng BOC.
Abangan natin ang susunod na kabanata, dear readers, at muli Comm. Ariel, suportado ta ka!