Advertisers
Sa harap ng lalong pagkalat ng online gambling sa bansa, muling umigting ang paninindigan ng magkapatid na sina Senator Alan Peter Cayetano at Senator Pia Cayetano laban sa mga gawaing ito na itinuturing nilang nakakasira, nakakaadik, at walang naidudulot na tunay na pag-unlad sa mamamayan.
***
Noong isang linggo, sabay nilang inihain ang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang online gambling sa Pilipinas, pati na ang pag-aanunsyo o pagpo-promote nito sa anumang anyo. Ayon sa kanila, hindi dapat gawing normal o katanggap-tanggap ang pagsusugal sa digital space, lalo na’t napakadaling ma-access nito ng kabataan.
***
At ngayong linggo, muling umapela si Senator Alan sa mga digital wallet firms – shoutout sa inyo GCash, Maya, at iba pa – na huwag nang pahintulutan ang paggamit ng kanilang mga serbisyo sa online gambling. Aniya, kung kaya ng mga platform na ito na i-ban ang ilang scam-related accounts, kaya rin nilang higpitan ang mga transaksiyong konektado sa ilegal na pagsusugal.
***
Pero ang paninindigan ni Senator Alan laban sa sugal ay hindi bago. Matagal na niya itong ipinaglalaban – kahit pa noong City Councilor palang siya ng Taguig. Sa panahong uso ang pagpasok ng mga casino sa mga lungsod, siya ang isa sa mga tumutol sa pagpapatayo ng gambling establishments sa Taguig. At hanggang ngayon, nananatiling “gambling-free” zone ang lungsod.
***
At ano ang resulta? Walang casino, pero isa ang Taguig sa pinaka-progresibong lungsod sa bansa. Bakit? Dahil sa halip na sugal, ang edukasyon, kalusugan, at kabuhayan ng tao ang naging prayoridad. Sa halip na mabilisang kita na ikalulugmok ng maraming pamilya, ang pinili ng LGU ay sustainable na investments sa kinabukasan.
***
“Wala pa akong nakitang bansa na umunlad dahil sa sugal,” sabi ni Senator Alan. Sa halip na hikayatin silang magsugal, bigyan dapat ng gobyerno ng tamang direksyon at mga oportunidad ang mga mamamayan.
***
Moralidad at mismong direksyon ng ating lipunan ang isyu dito. Sa panahon kung kailan maraming kabataan ang nalululong sa online games, livestream betting, at maraming Pilipino ang naeengganya sa false promise na quick-money, lalong kailangang manindigan ang mga pinuno natin laban sa online gambling.
***
Kung nais natin ng bansang tunay na maunlad, dapat tayong mamuhunan sa taong-bayan, hindi sa kung anumang bisyo.