Advertisers
SA halip na maging tagapagtulak ng agenda ng administrasyon, napapansin ng mga miron na tila pasimuno pa ng mga kontrobersiya si House Speaker Martin Romualdez.
Anila, sa nakaraang dalawang taon, lumilinaw na hindi kapareho ng direksyon ni Pangulong Marcos ang tinatahak ni Speaker.
Noong 2023, inumpisahan ni Romualdez ang tinaguriang “open budget” kuno, ngunit ang totoo ay naging instrumento ito para sa mga bilyong pisong insertions sa ilalim ng DPWH at iba pang ahensya. Kasabay nito, tinapyasan ang pondo ng mahahalagang serbisyo gaya ng edukasyon at health care na siyang mga prayoridad sana ng administrasyon.
Noong 2023 pa rin, nagsimula ang tensyon sa pagitan ng Marcos at Duterte camps, dulot ng pagbabawas ng pondo ng Office of the VP. Sa halip na mamagitan, tila si Romualdez pa ang nagpabigat ng banggaan. Nagbunga ito ng impeachment drama at tuluyang pagkawasak ng “Uniteam.”
Early 2024 naman, bagaman nga at walang tinatakbuhang pwesto, tila araw-araw ay nangangampanya si Romualdez sa pamamagitan ng press releases at mga pa-picture. Komento ng mga miron, sa halip na tumulong sa pagbuo ng batas, tila naghahanda para sa mas mataas na puwesto.
Patuloy ang Pangulo sa tahimik ngunit masinop na pagtatrabaho—pagpupursige sa foreign investment, agrikultura, at reporma sa energy sector.
‘Yun nga lang, ang mga ginawang kontrobersiya ni Romualdez ay hindi lamang sagabal sa mga plano ng Malakanyang bagkus, banta rin sa kredibilidad ng Kongreso at nang administrasyon sa kabuuan.
Panukala ng mga miron? “Panahon” na umano para “linisin” ang Kongreso. Kung gusto ni PBBM na manumbalik ang tiwala ng bayan sa pamahalaan, kailangan na anila ng liderato sa Kamara na may malasakit sa kanya at sa kanyang agenda, hindi malasakit sa personal na ambisyon.
Ang 20th Congress ay may obligasyon na palitan ang Speaker at ibalik ang respeto sa institusyong dapat ay tagapagtanggol ng interes ng taumbayan.
Abangan natin ang susunod na kabanata sa araw ng SONA ni PBBM sa Hulyo 28.