Advertisers
MATAPOS gumawa ng ingay ang muling pagbabalik ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa boxing ring nitong nakaraang linggo, panibagong tapatan ang mu-ling namumuo para sa kakaibang bakbakan—ngunit sa pagkakataong ito hindi na magmumula sa mga boksingero.
Nito lamang mga nakaraang araw nang kumasa si Philippine National Police (PNP) Chief, General Nicolas Torre III, sa hamong suntukan ni Davao City acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte. Isang hamong mula sa opisyal ng gobyerno na kinagat ng isa pang alagad ng batas.
Ang nakaambang bugbugan ng dalawang opisyal, agad na sinubaybayan ng taumbayan.
Sa pagpatol ni Torre sa hamon ni Duterte, bitbit niya ang anggulong “charity fight” para aniya sa mga nasalanta ng kalamidad.
Para kay Torre, ang kikitain ng kanilang bakbakan mula sa mga sponsor ay diretso maibibigay sa mga apektado ng bagyo at habagat.
Ang basbas ng Palasyo, “goodluck!”
Bagama’t hindi direktang tinutulan o pinayagan, may maliit na tugon ang Palasyo sa nasabing nakaambang tapatan ng dalawang opisyal:
“Hindi ko alam kung ma-tutuloy,” natatawang ani Palace Press Undersecretary Claire Castro sa media.
“Kung matuloy man, eh goodluck!” aniya nalang.
Mismong si Torre ang nagsabing nakahanda siyang makipagtapat kay Duterte sa loob ng 12 rounds sa Araneta ngunit noong Huwebes, Hulyo 24, nang iginiit niyang nakahanda na raw ang boxing ring sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila at may mga sponsor narin na naka-handang sumuporta.
Kaugnay ng inaasahang bakbakan, nagpahayag ng interes si Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na maging tagapagamagitan o referee kina Duterte at Torre.
Matapos magdire-diretso ang hamon na kaniyang si-nimulan, bagama’t hindi nagpahayag ng pag-atras biglang naglatag ng kondisyon si Duterte laban kay Torre, iginiit na marapat lamang munang magkaroon ng ‘hair follicle test’ ang lahat ng mga elected officials sa bansa pati si PBBM.
“Kung serious ka talaga ha, these are my conditions. Pa-kiusapan mo ‘yang amo mo na Presidente, let it come out of his mouth that all elected officials should undergo a hair follicle drug test. Papalagan ko ‘yang charity-charity mo na ‘yan,” anang Duterte.
Nitong Biyernes, Hulyo 25, nang igiit Davao City 1st district Representative Paolo Duterte na dapat muna magkaroon ng waiver ang da-lawang panig kung sakaling maging seryosong maituloy ang bakbakan ng kaniyang nakababatang kapatid laban kay Torre.
“Mag-sign muna ng waiver. Magpa-drug test narin. Kung talagang malinis, eh ‘di go,” saad ng kongresista.
Bagama’t wala paring malinaw na kumpirmasyon kung matutuloy ang Duterte-Torre fight, patuloy ang pagsasapubliko ng mga paghahandang ginagawa ni Torre laban kay Duterte. Naglabas ng picture ang PNP Chief na nagsasagawa ng jogging sa pasilidad ng PNP Headquarters, at pakikipag-sparring sa boxing ring.
Si Torre ay miembro ng PNPA Boxing Squad noong kadete ito at namintina ang kanyang skills hanggang ngayong siya’y 55-anyos na.
Si Baste, 37, ay lagi umanong lasing, puyat at tanghali na kung pumasok sa city hall. Sabi ng batikang kolumnistang si Ramon Tulfo: “First round lang knockout yang si Baste”.