Advertisers
Trending sa social media ang tinawag ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Nicolas Torre III na “fight for a cause” – ang bout nila sa boksing ni Davao City Acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Magtutuos sa boksing sina Torre at Baste? Well, depende iyan kung sisiputin ni Baste ang sagot ni Chief PNP sa kanyang hamon na magsuntukan na lamang silang dalawa.
Ganito kasi iyan sa mga “late tuners” – kamakailan ay hinamon ni Baste sa suntukan si Torre e, ang nangyari, kinol ni Torre ang hamon ni Baste.
Kinasahan ni Torre ang hamon kasabay ng pagsabing…boksing na lang at sa Linggo, Hulyo 27, 2025, ganap na 9:00 ng umaga, gaganapin sa Araneta Coliseum.
‘Ika nga ni Torre, pagkakataon na ito – gawin for a cause ang laban at ang malikom na kita ay ibibigay sa mga biktima ng bagyo at habagat.
Lalo pang tumaas ang rating o pinag-uusapan sa social media ang “Torre versus Baste” nang ipakita pa na nagsasanay na si Torre sa PNP Sports Gym – shadow boxing at may sparring partner din si Torre. Malay niyo baka siputin ni Baste ang bout. At least kahit na papaano ay nakahandaan ang PNP Chief. Oops teka, hindi na pala sa Araneta Coliseum gaganapin ang “fight of the century” kung hindi sa Rizal Sports Complex sa Manila. Katunayan, habang isinusulat ang pitak na ito ay sine-set-up na ang boxing ring.
Sa panig naman ni Acting Mayor Baste, kung pagbabasehan ang kanyang mga pahayag ay mukhang hindi niya sisiputin ang laban o maaari naman niyang siputin…kung, susunod si Torre ang mga hiniling niyang kondisyon – sumailalim sa hair follicle test ang lahat ng election officials ng bansa.
Ano pa man, tiniyak naman ni Torre ang sisiputin niya ang kanilang ‘bout’ ni Baste sa Linggo.
Bagaman, aminado si Torre na humina na ang kanyang resistensya. Ang tanong naman diyan ay mapabagsak kaya ni Hepe sa loob ng tatlo hanggang limang minuto (sa unang round) si Baste tulad ng kanyang programang 3 to 5-minute police quick response kung saan ay epektibong-epektibo ito laban sa kriminalidad?
Sa pag-trending na usapang ito – kapansin-pansin na tila’y marami ang pupusta kay Torre sa labanan kahit na masasabing may edad na ito.
Pero kung susuriin, bakit ganoon na lamang ang tiwala ng nakararami kay Torre – ang pumusta sa kanya? Heto ang nakita natin. Malaki ang tiwala ng marami kay Torre dahil sa patuloy ns ipinamamalas niyang kampanya laban sa kriminalidad lalo na ang kanyang programang 3 to 5 minutes police quick response kung saan marami nang patunay na epektibo ang kampanya. Bukod sa kanyang hindi matatawaran pamumuno sa PNP…nandyan pa iyong pangunahan ang pag-aresto kay Pastor Quiboloy. Nasaksihan ng Pilipinas ang hindi pagsuko ni Torre sa pagdakip kay Quiboloy sa kabila ng lahat…at ang iba pang mga trabaho niya pa.