MGA MANGINGISDA, TULUNGAN DIN KAHIT DI BINAHA – SEN. ERWIN TULFO
Advertisers
Kailangan din bigyan ng ayuda ang mga mangingisda tuwing may bagyo o masama ang panahon, kahit hindi sila binaha.
Sa isang panayam sa kanyang pagdalaw sa ilang nabaha sa Maynila kamakailan, mahigpit na ipinanawagan ni Senador Erwin Tulfo sa pamahalaan ang tulong sa mga mangingisda.
“’Pag may bagyo o masama ang panahon, hindi nakakapag-hanapbuhay ang mga mangingisda natin at walang silang makain at pamilya nila sa buong panahon na may bagyo o masama ang panahon,’ anang mambabatas na napag-alamang dumalaw din sa lalawigan ng Palawan.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) Station sa Palawan kay Sen. Tulfo, July 19 pa umano hindi nakapag-palaot ang may 11,000 na mangingisda sa lalawigan.
Dagdag pa ni Tulfo, “Inilapit ko na sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) sa lalawigan na padalhan na ng food packs ang mga mangingisda lalo na yung mga nasa isla.”
Nangako naman si Palawan DSWD Provincial Director Eric Aborot na hahatiran na nila ngayong linggo ng food packs ang mga mangingisda dahil kumalma na rin daw ang karagatan. Ihahatid naman ng PCG ang mga food packs sa mga island municipalities.
Ayon kay Sen. Tulfo, makikipag-pulong siya hindi lang sa DSWD kundi pati sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Agriculture para masiguro na hindi maiiwan ang mga mangingsida tuwing masama ang panahon.
“Bagama’t hindi nga sila direktang tinamaan ng bagyo, pero the fact na hindi sila makapalaot dahil sa sama ng panahon, biktima din sila dahil walang makain,” pahabol pa ng bagitong senador. (Jerry S. Tan)