Advertisers
DINAKIP ng mga operatiba ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) ang isang Japanese national na diumano ay kasapi ng notorious na “Luffy” criminal syndicate.
Ang operasyon ay isinagawa noong August 1 sa residential area sa Taguig, ay kinaaniban ng National Police Agency (NPA) ng Japan at the Philippine National Police – Intelligence Group (PNP-IG).
Ayon kay FSU head Rendel Ryan Sy, ang dinakip na si Kensuke Kudo, 28, ay wanted sa Tokyo dahil sa pagkakasangkot sa massive fraud operation. Siya ay hinuli alinsunod sa existing immigration warrants at derogatory records.
Ani Sy, isang warrant of arrest ang inilabas ng Tokyo Summary Court nitong January para sa kasong theft in violation of the Japanese Penal Code laban kay Kudo.
Nagpanggap umano si Kudo at mga kasabwat nito bilang law enforcement officers upang mambiktima ng matatanda at makuha ang mga ATM cards at personal information nila. Ginagamit ng grupo ang ninakaw na data para ma-withdraw ang pera ng mga biktima.
Si Kudo ay kasama umano sa natitirang aktibong miyembro ng “Luffy” syndicate—isang Japan-based criminal network na nakapagnakaw na ng higit ¥1 billion sa pamamagitan ng fraud at related cybercrimes.
Sinabi ni Sy na ang Japanese passport ni Kudo ay nag-expire noong October 4, 2024 at di na ito nag-apply ng bago kaya’t siya ay itinuturing na isang ‘overstaying and undesirable alien’ at maging ang Embassy of Japan in Manila ay itinuturing siyang ‘fugitive posing a threat to public safety and security.’
Si Kudo ay inilagak sa BI Warden Facility (BIWF) para sa booking and documentation procedures, bago ang deportation proceedings. (JERRY S. TAN)