Advertisers
Sa social media ay sangkaterba ang matutunghayan nating pekeng balita.
Oo pati sa sports uso din ito.
Kesyo lumipat na si Player 1 sa Team A o kaya ay nabuwag na ang Team X.
Ang problema ay maraming naniniwala. Nabibiktima sa imbento lang sa YouTube at Facebook Walang basehan. Gawa-gawa ng mga taong walang matinong magawa.
Ang pinakahuli ay ang pagpirma diumano ni Rhenz Abando ng 10-day na kontrata sa Memphis Grizzlies. Lumabas ito marahil dahil sa pagdalaw sa bansa kamakailan ng mukha ng prangkisa na si Ja Morant. Na-fact check na po ito. Hindi totoo. Siya pa nga daw kauna-unahang Pinoy na makalalaro sa NBA o kaya may legal claim na napabilang sa pinakasikat na liga sa mundo. Kaso kwentong barbero eh.
Noon may ulat ding kinuha si Abando ng Golden State Warriors. Mali din po.
Mahusay at NBA material naman ang 6’2 guard na ang galing mag-dunk. Unang nagkapangalan sa UST at nalipat sa Letran nang magkagulo ang Growling Tigers dati. Napunta ng Korea Basketball League at nagkampeon pa kamo. Napabilang din sa Gilas kung saan marami siyang napahanga kahit limitado kanyang mga minuto.
Sa loob mismo ng NBA ay halos araw- araw may fake news na mababasa tayo lalo’t off- season ngayon.
Talagang mapapabilib ka rin sa ibang content creator. May nagbabanggit pa ng source kuno nila.
Mas maigi talaga na mag double check lalo na sa mga legit na news orgs gaya ng sports pages ng malalaking tv network at mga matatagal na diyaryo sa industriya.
Kung wala sa kanila ay malamang hindi tunay. Sa Rappler may inilalathala pa silang pagtanggi sa balita. Pabubulaanan nila talaga.Kaya ingat po!
***
Kahit malungkot mga tagahanga nina Kiefer Ravena at Alyssa Valdez ay legitimate ang news na nagpakasal na si Kiefer sa Iba.
Opo wala ng pag-asa magkabalikan sina Ravena at Valdez na matagal din naging celebrity couple. Anim na taon.
Sa katunayan 2x nagpakasal ang utol ni Thirdy sa syotang si Diana Mackey.
Yung una nila ay sa St Michael The Archangel Parish sa BGC noong June.Pangalawa naman ay nito lang Biyernes sa Angkla Beach Club and Boutique Resort sa El Nido, Palawan.Si Diana ay beauty queen-model at Pinoy Big Brother housemate.
Noong 2024 ay kanilang inanunsyo ang engagement. Tapos nabuntis si Mackey pero nakunan. 7-8 weeks daw ang bata sa sinapupunan.
***
Nakababahala ang report na dalawang Hapon na boksingero ang magkasunod na namatay ngayong buwan.
Parehong card lumaban sina Shigetoshi Kotari at Hiromasa Urakawa sa Tokyo.
Ayon sa ulat binawian sila ng buhay dahil sa mga pinsalang natamo sa kani-kanilang laban.
Ibinababa na ng mga Japanese authorities ang mga title fight sa 10-rounder mula sa dose.
Isang Irish fighter din ang nag-expire matapos kanyang bout sa Belfast nitong taon.
Nag-ending ang buhay ni John Cooney isang linggo matapos kanyang featherweight title defeat dahil sa injuries nakuha niya sa bakbakan.
Dapat ay higit na maghigpit sa atin ang Games and Amusement Board (GAB) sa pag-supervise sa ating mga boxer at kanilang mga sanctioned bout.