Advertisers
IKINAGALAK ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mungkahing alokasyon na P10 milyon bawat barangay sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP), na may kabuuang halagang ?8.1 bilyon para sa 808 na mga barangay na dating pinipeste ng mga rebelde.
Balita sa akin ng ating boss, na Executive Director ng NTF-ELCAC na si Usec. Ernesto C. Torres Jr., ang panukala—na sumasalamin sa “matatag na pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa inklusibong kaunlaran”—ay nagbibigay ng malinaw na mensahe na “walang komunidad na maiiwan.”
“Hindi lang ito tungkol sa kalsada o gusali. Isa itong pamumuhunan sa kapayapaan, dignidad, at oportunidad para sa mga komunidad na matagal nang napabayaan at nasugatan ng insurgensya. Bawat kalsadang ating binubuo, bawat silid-paaralang itinatalaga, at bawat pamilyang pinapalakas ay hakbang palapit sa paglalagay ng armadong rebelyon sa kasaysayan,” ang sabi ni Torres.
Ang Barangay Development Program (BDP), na kinikilala bilang pangunahing programa ng NTF-ELCAC, ay naghahatid ng mahahalagang imprastruktura at serbisyo sa mga barangay na nalinis na mula sa impluwensya ng CPP-NPA-NDF—kabilang ang farm-to-market roads, silid-aralan, health stations, sistema ng patubig, at elektripikasyon—na tumutugon sa mga ugat ng insurgensya sa ilalim ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD).
Bagama’t kapareho ng mga nakaraang NEP ang mungkahing P10 milyon bawat barangay, nagbabala si Torres na maaaring mabawasan nang malaki ang aktuwal na pondong aprubado sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA). Noong 2025, P2.5 milyon lamang bawat barangay ang inaprubahan ng Kongreso, dahilan upang humanap ang NTF-ELCAC ng karagdagang P5 milyon bawat barangay upang hindi maputol ang pagpapatupad ng mga proyekto.
“Mas malaki ang gastos ng pagpapabaya sa mga komunidad kaysa sa gastos ng pagpapaunlad,” sabi ni Torres. “Upang mapanatili ang kapayapaang pinaghirapan, dapat aprubahan ng Kongreso ang buong P8.1 bilyon. Hindi natin kayang umatras ngayon.”
Binale-wala rin ni Torres ang inaasahang batikos mula sa CPP-NPA-NDF, aniya, lalo lang lalayo sa kanila ang mga mamamayan.
“Sa aktwal na kalagayan sa mga komunidad, malinaw ang resulta—bumababa ang kahirapan, dumarami ang kabuhayan, at naibabalik ang dignidad,” aniya.
Paguulat pa ni Torres, sa pagkadismantle ng lahat ng 89 na communist guerrilla fronts, dapat magpatuloy ang pagpapaunlad upang maiwasan ang pagbabalik ng mgs rebelde. Nangako ang ahensya na isasama sa BDP ang lahat ng natitirang nalinis na barangay sa nga rebelde, para sa 2027 at 2028, bilang pagtupad sa misyon na walang maiiwang komunidad.
“Ang kapayapaan ay hindi regalo na basta na lang ibinibigay at iiwan—ito ay pangakong pinangangalagaan,” pahayag ni Torres. “Ang pondong ito ang tulay mula sa paglaya patungo sa pangmatagalang kasaganaan.”