Advertisers
TINIYAK ng pamahalaan na malaking tulong sa decongestion ng New Bilibid Prison (NBP) ang paglilipat ng libu-libong Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa iba’t ibang kulungan at penal farms sa bansa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. na pumalo na sa mahigit 12,000 PDLs ang nailipat sa mga pasilidad tulad ng Iwahig Penal Colony sa Palawan na may lawak na 29,000 ektarya, at sa penal farm sa Mindoro na higit 8,000 ektarya naman.
Bunga nito, sinabi ni Catapang na mas lumuwag na ang kondisyon sa Bilibid na dati’y itinuturing na “super mega prison” sa dami ng preso.
Ayon sa opisyal, plano ng BuCor na tuluyang isara ang Bilibid sa Muntinlupa pagsapit ng 2028.
Aniya, ang lugar ay nakikita bilang prime property na gagamitin para sa komersiyal na proyekto, at ang kikitain dito ay ilalaan para sa pagpapatayo ng mga bagong kulungan sa labas ng Metro Manila.
Kasabay nito, tiniyak din ni Catapang na bantay-sarado ang bawat paglilipat ng PDLs, katuwang ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang law enforcement agencies.
Aniya, mahigpit ang seguridad mula biyahe hanggang sa mismong pasilidad upang matiyak na walang aberyang mangyayari.
Wala umanong naitalang insidente o problema sa mga nagdaang paglilipat.
Sa katunayan, ayon kay Catapang, marami pang PDL ang natuwa dahil mas maaliwalas at mas maluwag ang kanilang bagong kulungan kumpara sa masikip na kondisyon sa Bilibid. (Gilbert Perdez)