Advertisers
Ni Archie Liao
MASAYA ang Sinag Maynila festival director at Cannes best director na si Brillante Mendoza na naging opening salvo ng ika-7 edisyon ng Sinag Maynila Film Festival ang klasikong pelikulang “Jaguar” ng National Artist for Film na si Lino Brocka.
“Actually, maraming magagandang memories ang pelikula. Maganda rin ang reviews niya. Ito iyong kauna-unahang pelikula ni Lino na na-nominate sa Palme d’Or sa Cannes noong 1980, so memorable talaga siya. Kita mo naman, ang bata pa ni Direk Joel (Lamangan) diyan as an actor,” pagbabalik-tanaw niya.
Proud din niyang ibinahagi na siya man ay mapalad na nakatrabaho si Brocka.
“Iyong earlier works ni Lino, naging extra ako noon. Naging reporter din ako. Ganoon noong time na iyon,” pakli niya.
Aniya, very relevant daw ang pagpapalabas ng pelikula sa kasalukuyang panahon dahil napapanahon pa rin ang tema nito.
“Malapit sa akin ang ganitong mga klaseng kuwento kasi hindi naman siya bago. Social realism siya na nangyayari talaga. Siguro ano lang talaga, ang nagbago lang iyong artista, pero iyong lugar, iyong mga kuwento, ganoon pa rin. Ganoon pa rin kahirap. Ganoon pa rin ang situwasyon ng ating mga kababayan na tema ng mga pelikula ni Lino,”ani Direk Brillante. “Iyong hierarchy, iyong class struggle, iyong agwat ng mayaman sa mahirap, ng may kapangyarihan at ng marginalized, nandoon pa rin. Halos walang pinagbago.Iyong mahirap, mahirap pa rin. Parang wala pa ring pinagbago,”bulalas niya.
Lately naging vocal naman si Direk Brillante sa kanyang sentimyento sa nagaganap na korapsyon sa gobyerno kaugnay ng maanomalyang flood control projects na pinagkakitaan ng mga tiwaling pulitiko.
“Nakakagalit na kasi. Iyong korapsyon. Iyong ibinabayad mong buwis mula sa perang pinaghirapan mo, napupunta lang sa bulsa ng mga corrupt. Tama si Vice, we should demand accountability from our public officials dahil dapat tayo ang amo nila dahil tayo ang nagluklok sa kanila sa puwesto,” lahad niya. “Sa dami rin ng experience ko sa mga politician, nakaka-frustrate. Sila iyong nakikinabang sa hard earned money natin. Tulad na lang sa experience ko, pag aalis kami ng bansa, iyong travel tax na binabayaran namin ng cast or crew, ang bigat din sa bulsa. Hindi mo alam kung kailangan ba talaga o saan napupunta,” pahabol niya.
Dahil sa nangyayaring malaganap na korapsyon, suportado naman niya ang pagbabalik ng death penalty.
“Dapat na ibalik iyong death penalty. Dapat may maparusahan. Dapat may mamatay sa mga corrupt na pulitiko,”pagtatapos niya.
Halaw sa news story sa librong “Reportage on Crime” ng National Artist for Literature na si Nick Joaquin, ang “Jaguar” ay sinulat nina Jose F. Lacaba at National Artist for Film Ricky Lee.
Tampok dito ang award-winning actors na sina Phillip Salvador at Amy Austria. Nagwagi ito bilang best picture at best director noong 1980 Gawad Urian. Nanalo rin sa naturang obra ng best supporting actor at best supporting actress kina Menggie Cobarrubias at Amy Austria. Kasama rin sa lineup ng “Pambansang Alagad ng Sining” section, ang digitally restored version ng 1978 film na “Atsay” ni Eddie Garcia, na pinagbibidahan ng National Artist for Film na si Nora Aunor.
Tampok sa Sinag Maynila 2025 ang 5 feature films, 15 documentaries, 41 short films, at 36 student films. Ang mga pelikula ay palabas na sa SM Mall of Asia, SM Fairview, Robinsons Manila, Robinsons Antipolo, Trinoma, Market! Market!, at Gateway Cineplex hanggang 30. Handog ng Solar Films sa pakikipagtulungan ng Centerstage Productions, ang festival ay brainchild ng film producer na si Wilson Tieng at Cannes best director na si Brillante Mendoza bilang festival director.