Advertisers
KADUDA-DUDA ang biglaang pagdagsa ng mga kontrobersiyang ibinabato laban kay Marikina 1st District Rep. Marcy Teodoro.
Sunud-sunod ang dating ng mga walang basehang akusasyon kay Teodoro matapos niyang isiwalat ang double funding ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program.
Kamakailan lamang, lumabas ang kanyang pangalan sa testimonya ng mga kontrobersiyal na kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya, na nagsabing isa siya sa mga mambabatas na kanilang binigyan ng pera.
Ngayon naman, sinampahan siya ng mga kasong kriminal, kung saan dalawang babaeng pulis ang nag-akusa sa kanya ng acts of lasciviousness.
Nangyari ang mga ito, ilang buwan lang matapos ang kanyang panalo bilang kinatawan ng 1st District.
May pagtatangkang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na isyu at gantihan si Teodoro dahil sa kanyang pagbubunyag ng mga iregularidad na nakasira sa interes ng mga makapangyarihan.
Dagdag pa rito, may ilang personalidad sa pulitika sa Marikina na hanggang ngayon ay hindi pa rin makamove-on sa kanilang pagkatalo noong 2025 elections at maagang naghahanda para sa susunod na halalan sa pamamagitan ng pagsira sa kredibilidad ni Teodoro.
Pagdating naman sa akusasyon ng mag-asawang Discaya na inilabas sa Senate Blue Ribbon Committee hearing, kung saan isa sa mga matataas na opisyal ay nakatatandang kapatid ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo.
Si Rodolfo Noel Quimbo ang humahawak sa makapangyarihang posisyon bilang director general ng Senate Blue Ribbon Committee, na kasalukuyang nag-iimbestiga sa isyu ng maanomalyang flood control projects.
Ayon sa isang online post, maaaring may kinalaman umano si Rodolfo Quimbo sa pagsama ng pangalan ni Teodoro sa affidavit ng mag-asawang Discaya.
Tandaan na si Miro Quimbo ay asawa ng dating 2nd District Rep. Stella Quimbo, na natalo kay Maan Teodoro, asawa ni Marcy, bilang Mayor ng Marikina.
Isa pang kaalyado ni Quimbo, si dating Senador Koko Pimentel, ay tinalo rin ni Marcy Teodoro sa laban bilang kinatawan ng 1st District ng Marikina.
Ang pagsama sa pangalan ni Marcy Teodoro sa listahan ay nagbibigay ng bentahe sa kanila. Ngayon pa lang, ang paninira kay Teodoro ay posibleng magpahina sa kanyang tsansa bago pa man sumapit ang susunod na halalan.
Tila two birds in one stone din ito dahil nalilihis din ang atensyon mula sa pagkakasangkot ni Stella Quimbo sa pagbuo ng 2025 national budget.
Tandaan na siya ang nasa likod ng pagbalangkas ng 2025 budget bilang Vice Chairperson ng Committee on Appropriations noong proseso ng pagpapatibay nito. Siya rin ang humalili bilang chairperson ng Committee on Appropriations matapos magbitiw si Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco, si Stella Quimbo ay miyembro rin ng small committee na tumanggap ng mga insertions mula sa iba’t ibang mambabatas habang ginagawa ang budget.
Sa kabuuan, malinaw na may malaking kampanya laban kay Teodoro na ang layunin ay patahimikin siya, sirain ang kanyang kredibilidad, at higit sa lahat, iligtas si Stella Quimbo mula sa pananagutan.