Advertisers

Advertisers

BIYAKIN MO, BIYAKIN DIN NILA

0 88

Advertisers

HINILING ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) sa pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na biyakin sa gitna ang kapangyarihan ng kanilang District at Regional Offices sa usapin ng pagpapatupad ng proyekto.

Pinabibiyak ang ‘Levels of Authority’ ng Regional Offices mula P400 milyon patungo sa P200 milyon na mga proyekto lamang ang puwedeng pirmahan o dumaan sa tanggapan ng Regional Director ng DPWH upang ipatupad ang proyekto.

Mula P150 milyon naman sa District Office ay nais ng ICI na gawin na lamang P75 milyon ang mga halaga ng proyekto na pwedeng pirmahan o aprubahan sa tanggapan ng District Engineer tulad nung mga sikat na Engineer.

Kapag lumampas sa P200 milyon ang proyekto ay sa tanggapan na ng DPWH Secretary o Head Office gagawin ang tinatawag na ‘bidding’ samantalang sa Regional Offfce naman ang mula P76 hanggang P199 milyon na mga proyekto.

Ganito ang nais mangyari ng ICI bilang isa sa mga paraan upang masupill ang pandarambong sa mga proyekto. Ito ang naisip nila upang kontrahin ang diskarte ng pandarambong kaya posibleng hindi makapaglaro ng casino ang mga District Engineer at Regional Director.

Kung sinuman sa miyembro ng ICI ang naka isip ng paraan na ito ay masasabing mali ang desisyon na biyakin ang awtoridad o kapangyarihan ng mga hepe ng DPWH na nasa Regional at Engineering Offices patungkol sa proyekto.

Hindi masasawata ang malawakang pandarambong kung pagbigyan ng DPWH ang kahilingan ng ICI dahil mayroon maliwanag na paraan ang mga mandarambong upang kontrahin ito nang sa gayun ay tuloy pa rin ang kanilang pandarambong.

Kung pagbigyan ang hiling na ito ng ICI, pihadong ‘atado’ ang diskarte riyan o ‘Splitting’ sa wikang Ingles upang manitili sa kanilang awtoridad ang pagpapatupad kasama na ang bidding ng mga proyekto na dadambungin.

Sa paggawa ng tinatawag na Program of Works (POW) ay sisiguruhin nila na sa kanilang mga kamay pa rin maglalaro ang proyekto sa pamamagitan ng unti-unting pagpapatupad nito o pwedeng gawin na Phase 1 ay P70 milyon at Phase 2 naman ay P75 milyon. Kanila pa rin ang ‘biyaya’!

Kapag biniyak ang awtoridad ng DPWH Regional at District Offices ay bibiyakin din ng mga ito ang proyekto kaya maliwanag na hindi ito ang solusyon. Ayaw ng Commission on Audit (COA) ang ‘Splitting’ maliban na lang kung totoong kasabwat din sila sa pandarambong.