Advertisers

Advertisers

Maynila tatangkilikin ang Bigas Pinoy!

0 44

Advertisers

BAKIT kay Manila Mayor Isko Moreno naisipang lumapit ni former North Cotabato Gov. at dating Agriculture Sec. Manny Pin¨ol na matulungan ang ating magsasaka – na siyang food provider natin – pero sila ang isa sa mga sektor na mahihirap.

Balintuna ang sitwasyong ito, opo, kasi sa ibang bansa, ang manggagawa sa sektor ng pagsasaka (at pangisdaan) ang siyang mas angat sa buhay, paano may higit pa sa kayang tulong, subsidy, magaang na pautang na konti lang ang interes at ang mga produkto nila, mas unang tinatangkilik kaysa produkto sa ibang bansa.

Sa pag-uusap nina Sir Manny – na dati ring peryodista at kolumnista –, malungkot na naidaing niya ang kaawa-awang sitwasyon ng magsasaka natin, literal na umiiyak sa matinding hinagpis.

Sobrang mura ng presyo ng palay, madalas ay lugi pa sa mataas na presyo ng abono, pestesidyo at irigasyon at iba pang inputs, wag nang isali pa ang kalamidad na dala ng tagtuyot o pagbaha sa mga pananim.

Imagine, P8- P10 per kilo ang presyo ng palay, tapos, bugso pa ang pagbaha ng
imported rice sa mga palengke, at ito pa ang mas gustong bilihin sa mga palengke.

Lugi na nga, kinukuba pa ng malaking interes sa utang sa bangko o kaya sa mga
usurerong nagpapautang.

Naikuwento ni Sir Pinol ang buhay ni Danilo Bolos, isang rice farmer ng Nueva Ecija na naging matagumpay sa pagpapalay, na sa sipag, tiyaga at diskarte, napalaki ang palayan mula sa isang ektarya, naging 30 ektarya at nagawa niyang triple ang dami ng ani.

Si Bolos, sabi ni Sir Manny, ay kilala na isa sa top rice producer na sa bawat ektarya, 17 metriko toneladang palay – ito ay mas mataas ng triple sa national average na 4-5 metriko toneladang ani.

Ang teknik at abilidad ni Bolos sa pag-aani ng higit sa dating ani ay ibinabahagi niya sa kapwa magsasaka: napakabuting tao ng magsasakang ito.

Pero sa kabila ng kayod-kalabaw na trabaho, pero dahil sa mataas na gastos sa produksiyon, malaking interes sa utang, nakagapos pa rin sa kahirapan ang
magsasakang tulad ni Bolos.

Masakit na katotohanan ang sinabi ni Bolos nang humarap siya noon sa Kamara sa paghingi ng tulong na maipatupad ang makatwirang presyo ng palay upang makabawi at kumita ang magsasaka.

Mistulang pulubi ang kalagayan nilang magbubukid, sabi ni Bolos at ito rin ang naidaing ni Sir Manny kay Yorme Isko.

Dahil anak mahirap si Yorme, madali niyang naintindihan ang daing ng mga magsasaka, at matamang pinakinggan ang kahilingan ni Sir Manny , at ito — sana ay maisama sa ani ng mga magbubukid sa programa ng Manila City government.

Na ang mga produktong bukid — palay o bigas, at iba pa — ay bilhin ng pamahalaang lungsod at ang mga ito naman ay maikakalat at mabebenta sa mga palengke, iba pang pamilihan sa Maynila.

Ibig sabihin, may sigurado nang babagsakan ng mga ani ang nga magbubukid at ito ang prioridad na maibebenta at matutupad pa ang matagal nang isinisigaw ng gobyerno na tangkilikin ang sariling atin, maging totoo na ang panawagang “Buy Filipino!”

Sa proposal na tatawaging “Bigas Pinoy,” mga dekalidad na produktong bigas mula sa varieties from Nueva Ecija, Palawan, at Mindoro, ay maikakalat, maipapamahagi sa mga palengke at tindahan sa Maynila, at iba na rin ang ibibigay na ayudang bigas sa mga kawani at opisyal ng cityhall.

Bigas Pinoy na rin ang maipamimigay sa panahon ng kalamidad, emergency at iba pang okasyon.

“Baka pwede maisakay ng mga magsasaka ang mga premium na bigas, tapatan natin ang rice cartel, at ibenta sa merkado sa nas mababang halaga kaysa imported,” pakiusap ni Piñol , at ito ay masayang tinanggap ni Yorme.

Inalala ng alkalde na noon, ang Maynila ay matagal nang bagsakan ng mga produktong bukid, sabi niya, ang Recto (lugar ng Divisoria) ay lagakan na ng mga paninda mula sa mga taga-Pampanga,” dyan nagbabagsak ng pakwan, singkamas, at iba pang produkto.

Kahit noong pandemya, bukas ang kalakalan, sabi ni Yorme. “Hindi ko pinayagang isara ‘yungmga outlet. Kasi san dadalhin ng mga magsasaka ang mga kamatis at bigas nila? Umiiyak sila noon sa bundok, kasi ibinubuhos na lng sa bangin.”

Noon pa lang pandemya, may tawagan na sina Sir Manny at Yorme kaya tuloy ang dalahan ng mga produkto sa Maynila kahit may pandemya.

Tiyak ko, magandang balita ito, kasi inutusan na ni Yorme Isko si Sir Joey Hizon, hepe ng Manila Market Administration Office na ang proposal ni Sir Manny ay tiyaking may lugar na mababagsakan at mabibilhan ang Manilenyo ng “Bigas Pinoy” at iba pang produktong lokal.

Sa Maynila, magiging masigla ang islongang “Buy Filipino.”

Atin ngang tangkilikin ang Bigas Pinoy at buhayin natin at alisin sa kahirapan ang ating magsasakang Pilipino.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.