Advertisers
ISA sa binu-bully ng China ay ang bansang Vietnam, pero di hamak na mas malakas ang depensa militar at naval ng Vietnam kontra sa South China Sea (SCS) dispute.
Tulad ng Pilipinas, nakikipag-usap din ang Vietnam sa US upang mas mapalakas pa ang depensa nito sa mga bansang nais na ito ay kubkubin.
Pareho ang Vietnam at Pilipinas na sinakop ng US, pero ang pagkakaiba, tinalo ng sinasabing “mahinang Vietcong” ang armas nuklear ng US sa loob ng may 30 taon giyera — na hanggang ngayon, malaking kahihiyan ng Washington sa ipinagmamalaki nitong kisig at talino sa pakikidigma, at ng kanilang state-of-art na missiles, warship, at magagaling na sundalong Kano.
Noong US-Philippine War ay nakatikim rin tayo ng kalupitan mula sa imperialistang Kano sa maraming masaker sa mga inosenteng sibilyan, na pati ang mga babae, matatanda at bata ay hindi pinaligtas ng kanilang mga bala at bayoneta.
Mas maunlad ang Pilipinas noon, pero ngayon, masasabing mas maunlad sa larangan ng ekonomya, diplomasya at depensa militar ang Vietnam na dinurog ng mga bomba ng Pentagon.
Sa bullying ng China, pinalakas ng Pilipinas ang alyansa sa US, kasama ang Japan — na malupit na sinakop tayo — upang maging katulong sakaling tuluyang sakupin ng China ang Pilipinas, bunga ng tumitinding agawan sa teritoryo sa SCS na pinangalanan noong 2012 ni dating Pres. Noynoy Aquino na West Philippine Sea (WPS).
Pero iba ang Vietnam sa pagharap sa problema ng SCS dispute sa China: Wala ito ng Balikatan at EDCA sites na itinayo sa pagpasok ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Walang barkong US sa karagatan ng Vietnam na kaagaw nito ang China, bukod pa ang pag-iimbak ng armas nuklear sa mga EDCA sites, at ang balitang malapit ng matapos na ipinatatayong bomb shelter sa Batanes Island, malapit sa Taiwan, kuno ay paghahanda sa gagawin daw na paglusob ng China sa Taiwan.
Iba ang talino ng Vietnam sa problema nito sa China patungkol sa SCS: Tama, bukas ang Hanoi sa inaalok na tulong militar ng US pero maliwanag ang mensahe niya sa Washington: ayaw niya na makialam ito sa kung paano aaksiyon laban sa bullying ng China.
“Nonaligned foreign policy”ang ipinatutupad ng Vietnam, ibig sabihin, bukas ito sa mapayapang pag-uusap sa kanilang hidwaan, habang patuloy naman na pinalalakas ang kanyang martime claims.
Sa pagpapalawak ng nasasakop na teritoryo sa kaagaw na parte ng SCS, iniiwasan ng Vietnam na masira ang maayos na kooperasyon sa negosyo, ekonomya at politika.
Kaibigan ng Vietnam ang Russia pero hindi ito lumalapit para humingi ng tulong sa awayan nila ng China sa SCS.
Ayaw ng Hanoi na isangkot sa problema niya ang Russia at iba pang bansa sa “sariling problema” sa agawan sa teritoryo ng dagat sa SCS.
Ayaw ng Vietnam na umigting ang away nila ng China, pagkat alam nito, sa ngayon, isa itong super power, at mahirap na maggiyera lalo na at magkadikit ang border nila.
Gaano na ba na lusubin sila ng mga sundalong Chinese!
Ayaw nang maulit ng Vietnam ang bakbakan nila noong 1980 at 1988 sa kanilang border.
Sa nonaligned foreign policy ng Vietnam, iniwasan nito na magtayo ng puwersa militar sa lupa niya ang US, ito kasi ay magpapatindi ng tensiyon, lalo na at ngayon, ang US ang itinuturing na kaaway sa larangan ng ekonomya, siyensiya, space program at sa pagpapalakas ng armas nuklear.
Okay lang sa Vietnam na magpagala-gala ang mga barkong dayuhan sa SCS para kahit paano, mapigil o mabawasan ang pambabarako ng China.
Sa halip, nakikipagkarera ang Vietnam sa pagtatayo ng mga kongkretong instalasyong naval at militar sa China.
Sa halip na makipagbardagulan ang mga opisyal militar ng Vietnam, pinagbubuti ang pagpapalakas ng depensa militar at naval, at hanggang makakaya, hinahayaan lang ang China sa ginagawa nito sa South China Sea.
Sa paniniwala kasi ng mga lider ng Vietnam, hindi gaanong mahalaga ang survival nila sa kanilang maritime disputes sa China.
Nagkaroon ng ilang insidente ng girian, harangan ng mga barko nila sa SCS, pero agad na inaayos upang hindi na tumindi pa, at ito ay dahil na rin, walang ibang bansa na nagpapaapoy sa kanilang gitgitan sa pag-angkin ng mga bahura sa territoryong iyon sa dagat.
Dahil nagagawa nilang mag-usap nang walang ibang bansang nakikialam, walang gaanong gulo sa kanilang dispute sa kani-kanilang maritime claims.
***
May tanong: Kinikilala ba ng mundo ang tawag nating WPS sa SCS: ang pangalang West Philippine Sea ba ay opisyal na nakarehistro sa mapa ng Pilipinas; naitala na ba ito sa mga dokumento ng UN, at sa mga opisyal ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS)?
Nakasulat ba sa ating Constitution ang pag-angkin natin sa West Philippine Sea; at mayroon bang batas tayo na pinagtibay ng Senado at House na patunay na atin nga, ang WPS?
Sa ating mga kongresista, mga senador, mga opisyal militar, ano ang mga pruweba sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na atin nga, tunay na atin nga ang pinag-aagawang SCS?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.