Advertisers

Advertisers

SUHOL NI BONG GO

0 162

Advertisers

HINDI kwentong kutsero ang isiniwalat na pagtatangka ni Bong Go na suhulan ng malaking halaga si Sonny Trillanes upang mapigil lang ang pagsampa ng huli ng sakdal na plunder laban sa una sa Office of the Ombudsman. Hindi dalawang beses ang tangka ni Bong Go tulad ng naunang ulat kundi tatlong bases, ayon sa isang source na malapit sa dating senador.

Tumalbog ang lahat ng alok. Itinuloy ni Trillanes noong nakaraang buwan ang habla kaugnay sa mga kontrata sa mga proyektong imprastraktura sa Davao City na abot sa kabuuang halaga ng P6.9 bilyon. Sangkot ang mga kompanya bi Bong Go at pamilya sa mga anomalya.

Pandarambong, o plunder, ang sakdal ni Trillanes laban kay Bong Go. Batay sa letra ng batas, isang nonbailable offense ang sakdal na plunder. Walang pagkakataon na makapaglagak si Bong Go ng piyansa para sa pansamantalang ikakalaya. Kalaboso agad siya sa sandaling makita ng hukuman na may matwid ang sakdal.



Gumamit si Bong Go ng mga taong malapit kay Trillanes upang iparating ang kalatas sa huli na handa manuhol ng p200 milyon kapalit ang pagpatay sa sakdal. Hindi kinagat ang unang tangka, kaya ito’y sinundan at itinaas ni Bong Go ang halaga sa P1 bilyon, o katumbas na isang libong isang milyon sa piso. Hindi rin umbra.

Sa pangatlong pagkakataon, nagpahiwatig si Bong Go na handa siyang magbigay ng blangkong tseke huwag lang isasampa ni Trillanes ang sakdal sa hapag ng bagong hirang na Ombudsman na si Boying Remulla, ang dating kalihim ng Katarungan. Kumpleto sa papeles ang sakdal dahil nakuha ng pangkat ni Trillanes ang mahahalagang dokumento.

Nagkaroon ng samaan ng loob dito dahil ginamit ni Bong Go ang isang dating kawani ng Senado na kilalang malapit sa isang lider ng Magdalo na malapit kay Sonny Trillanes. Kung laro ito ng bilyar, hindi tuwirang tumbok ang ginawa ni Bong Go. Gumamit siya ng banda. Binandahan, sa maikling salita. Hindi tinanggap ang alok.

Sumama ang loob ni Sonny Trillanes sa kasamang lider Magdalo dahil malinaw ang kanyang mensahe sa kanila na hindi siya makikipag-areglo upang iurong ang sakdal na matagal nabinbin dahil kilalang maka-Duterte si Samuel Martires, ang dating Ombudsman. Alam ni trillanes na papatayin lang ni Martires ang sakdal kung isinamp ito noong siya ang Ombudsman. Ito ang dahilan at naghintay si Trillanes na tamang pagkakataon na isampa ang habla.



Nang naupo si Remulla bilang kahalili ni Martires, isinampa Trillanes ang sakdal na plunder kaugnay sa mga bilyong pisong kontrata sa may kompanyang may kaugnayan kay Bong Go at pamilya. Ito ay ang CLTG Builders at Alfrego Builders & Supply na pag-aari ng kanyang pamilya – ama at kapatid.

Kinakatawan ng CLTG ang unang letra ng buong pangalan ni Bong Go – Christopher Lawrence Tesoro Go. Ikinakaila ni Bong Go na pag-aari niya o kasama siya sa mga may-ari ng dalawang construction company. Ngunit kompleto si Trillanes ng mga papeles upang patunayan ang mga sakdal na plunder laban sa kanya.

Hindi ako nagtataka na maaburido si Bong Go dahil hindi lang siya nanganganib sa sistema ng katarungan ng bansa. Nahaharap rin si Bong Go sa arrest warrant ng International Criminal Court (ICC ) dahil kilala siya ng ilang mga saksi na siya ang malapit kay Gongdi na opisyal ng gobyerno ng nagbigay ng pabuya sa mga pulis na sangkot sa madugo pero palpak na giyera kontra droga ni Gongdi noong siya ang pangulo.

Batay sa kumpisal ni Col. Royina Garma, dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sa harap ng mga mambabatas na bumuo sa QuadCom noong nakaraang taon, si Bong Go ang may kontrol sa salapi ng sambayanan. Namigay siya ng pabuya mula P20,000 hanggang P1 milyon sa bawat nilalang na pinatay sa giyera kontra droga.

Unang kinilala ni Arturo Lascanas, ang dating pulis na nakapaloob sa Davao Death Squad (DDS) ni Gongdi, si Bong Go bilang tao ni Gongdi na may kontrol sa pera na ginamit sa digmaan kontra droga sa bansa.

Kinilala rin ni Lascanas si Bong Go na naunang nagplano na ipapatay si Trillanes dahil nagsilbi siyang malaking tinik kay Gongdi. Ayon sa sinumpaang salaysay ni Lascanas na isinumite sa ICC, kinontrata ni Bong Go si Lascanas na patayin si Trillanes. Kasama sa plano ng banggain ng isang trak ang sasakyan ni Trillanes at palabasin ito na isang aksidente.

May budget na P10 milyon ang tangkang pagpatay kay Trillanes. Hindi natuloy ang plano dahil bumaligtad si Lascanas at nangibang bansa siya na kasama ang pamilya upang tumayong testigo laban kay Gongdi.

Kasama rin ni Bong Go si Bato dela Rosa sa sakdal dahil si Bato ang nagpatupad ng giyera kontra droga gamit ang PNP bilang institusyon sa malawakang patayan sa ilalim ng bigong giyara kontra droga.