Advertisers
ARESTADO ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kasalukuyang kapitan ng barangay sa Datu Salibo, Maguindanao del Sur sa pagkakasangkot nito sa pambobomba na ikinamatay ng dalawang opisyal ng barangay at ikinasugat ng pitong iba pa dalawang taon na ang nakalilipas.
Ayon kay CIDG Director Major General Robert AA Morico, ang 54-anyos na kapitan ng Barangay Butilen sa Datu Salibo ay kabilang sa mga sinampahan ng kaso kaugnay ng pambobomba sa Shariff Saydona, Maguindanao del Sur noong 2023.
Sa ulat, isinagawa ang operasyon sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng lokal na hukuman.
Isa pang akusado, ang 44-anyos na konsehal ng Datu Salibo, ang unang naaresto sa bisa ng arrest warrant sa kasong dalawang bilang ng murder.
Naaresto ang barangay captain sa Barangay Kamasi, Ampatuan, Maguindanao del Sur noong Nobyembre 5. Nakabilang siya sa listahan ng Number 7 Regional Most Wanted Person sa Bangsamoro Autonomous Region at Number 3 Municipal Most Wanted Person ng Datu Salibo.
Matatandaang Agosto 2023 habang naglalakad ang grupo ng mga opisyal ng Barangay Penditen na pinamumunuan ni Chairman Jun “Datumanot” Silongan sa isang masukal na bukirin sa Sitio Patawali, Barangay Ganta, Shariff Saydona, nang sumabog ang isang bomba.
Nasawi sa pagsabog sina Silongan at Barangay Kagawad Salik Katua, habang pito pang opisyal ang sugatan.
Itinuturong utak sa pambobomba ang naturang kapitan. Sinasabing alitan sa politika ang isa sa mga pangunahing motibo sa insidente.