Advertisers

Advertisers

P56B kickback nina PBBM at Romualdez sa flood control anomaly – Zaldy Co

0 14

Advertisers

IBINUNYAG ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na nakatanggap umano ng P56 bilyong kickback mula sa mga maanomalyang flood control project sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez

Sinabi ni Co na taliwas ito sa datos na ibinahagi nina dating DPWH Bulacan Engineers Henry Alcantara at Brice Hernandez sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), kung saan aabot sa P21 bilyon ang posibleng kickback na natanggap umano niya.

“Una pa lang ito sa gusto kong ibunyag. Marami pa akong dadalhin sa liwanag. Isa na dito ay kay Henry Alcantara, ang DPWH boys, ang sinasabi nilang halaga sa ICI ay P21 billion. Hindi po totoo yan. Ang totoong numero ay P56 billion at ‘yung pong halaga na yan ay kay Pangulong Bongbong Marcos at Martin Romualdez napunta lahat,” pahayag ni Co sa huling bahagi ng ikatlong video sa kanyang Facebook account kahapon.



“Ilalabas ko po ang buong detalye sa darating na mga araw. Kaunting pasensya pa po. Sana po ay hindi nila ako mapatay bago ko mailabas ang lahat,” patuloy ni Co.

Kaugnay nito, ibinuking niya na sa isang pagpupulong noong Marso 2025, ginawa ni dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagbabanta sa kanya at sa kanyang pamilya.



“March 2025 pa lang si Speaker ay nagpaparinig sa akin sa aming meeting that he will shoot me if I will talk,” wika ni Co.

“At pagkatapos niyang sabihin sa akin in a phone call na don’t come home, we will take care of you, tumawag ulit si Speaker Martin at sinabihan niya ako na ‘pag umuwi ako will be dangerous. Kasi they may hire someone to do a rub out on me or hire the police to kill me while in jail,” pagbubunyag pa ng dating kongresista.



Hinamon din ni Co ang Senado na imbestigahan ang umano’y 100-bilyong insertion ni Pangulong Marcos sa 2025 national budget.

Kasunod ito ng hamon niya rin kay Ombudsman Boying Remulla na imbestigahan ang Pangulo at dating House speaker Martin Romualdez.

“Magaling ang Senado sa imbestigasyon at ako ay naniniwala na dahil sa kanila lalabas ang katotohanan,” diin ni Co.

“Ginagamit ng administrasyon ang buong resources ng bansa para tumahimik ako. Para masira ang aking kredibilidad. Darami rin ang banta sa buhay ko at ng aking pamilya,” dagdag ni Co. (Mylene Alfonso)