Advertisers

Advertisers

“PBBM NASA LIKOD NG KORAPSYON SA FLOOD CONTROL” – ZALDY CO

0 13

Advertisers

INAKUSAHAN ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at ang pinsan niya na si dating Speaker Martin Romualdez, at maging ang ilang miyembro ng Gabinete na sila umano ang nagplano ng umano’y “insertions” na nagkakahalaga ng P100 bilyon sa pambansang badyet.

“Nagsimula ito noong tumawag si Amenah Pangandaman sa akin noong nag-umpisa ang BICAM process last year, 2024… Ang sabi niya, katatapos lang ng meeting nila ni Pangulo at may instructions na mag-insert o magpasok ng 100 billion worth of projects sa BICAM. At sinabi pa ni Secretary Menah, you can confirm with Undersecretary Adrian Bersamin dahil magkasama sila sa meeting ni Pangulong BBM (Bongbong Marcos) noong araw na ‘yon,” pahayag ni Co sa isang video na inilabas ng kanyang kampo sa mga mamamahayag.

“Tinawagan ko po si dating Speaker Martin Romualdez at nireport ko ang instructions ng Presidente to insert the P100 billion projects. At sinabi niya (Romualdez) sa akin, what the President wants, he gets,” ani Co.

Samantala inilibas na rin ni Co ang listahan ng mga proyekto na inutos umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-insert sa 2025 Budget na nagkakahalaga ng kabuuang P100-Billion.

Nanindigan ang dating kongresista na wala umanong napuntang pera sa kanya sa naging Php 100-B insertion ng pangulo.

Giit niya na ang lahat ng pera ay napunta kay dating House Speaker Martin Romualdez at Pangulong Marcos Jr.

Sinabi ni Co na ang umano’y mga larawan ng male-maletang pera na aniya’y personal niyang idineliver, kasama ang kaniyang mga tauhan, kina Pangulong Marcos at dating House Speaker Romualdez.

Ayon kay Co, ang mga naturang deliveries ay isinagawa mula Forbes Park hanggang sa Malacañang. Ipinakita rin niya ang mga larawan sa ikalawang bahagi ng kanyang video message na tumatalakay sa umano’y utos ni Pangulong Marcos na naglalaman ng P100- bilyong insertions sa 2025 national budget.

Sinabi rin ng dating Kongresista na totoo ang mga unang rebelasyon ng retiradong Marines Orly Guteza.

Sa naunang bahagi ng kanyang video message, ibinunyag ni Co ang umano’y anomalya sa flood control at iba pang infrastructure projects, na sinasabing may kinalaman sa malalaking budget insertions.

Ang alegasyon ay nakatuon sa umano’y P100 bilyong dagdag na pondo sa national budget para sa 2025, na iniuugnay sa magpinsang Marcos at Romualdez.

Pero ang mga pahayag ni Co ay nagbukas ng mas malawak na diskusyon hinggil sa transparency at accountability sa pamahalaan, lalo na sa proseso ng budget allocation.

Si Co ay dati ring nasangkot sa mga kontrobersiya kaugnay ng infrastructure projects at umano’y anomalya sa paggamit ng pondo, dahilan upang mas lalong mabigyan ng bigat ang kanyang mga bagong rebelasyon.

Ang mga inilabas na larawan ng male-maletang pera ay nagdulot ng matinding interes at pangamba sa publiko, na ngayon ay naghihintay ng tugon mula sa Malacañang at sa kampo ni Romualdez.

Tutukan natin!

***

Reaksyon at Suhestiyon i-text sa 0936-8625001/0939-7177977 o di kaya mag-email balyador69@gmail.com