Advertisers
HINDI uubra ang mungkahing sabay na pagbitiwin si BBM at Sara. Hindi kakagatin ng bayan ang mungkahing itayo ang isang Transition Council na pansamantalang magpapatakbo sa gobyerno at maghahanda para sa halalang pampanguluhan ng hahaliling pangulo at pangalawang pangulo.
Labag sa Saligang Batas ang panukalang Transition Council. Kahit anong halughog ang gawin ninuman sa Saligang Batas, walang probisyon na magbibigay katarungan sa ganyang mekanismo. Maraming katanungan sa Transition Council at walang malinaw na sagot ang mga nagpanukala. Hindi ito uubra.
Bakit kailangang pagbitiwin si BBM kung ang problema ay si Sara Duterte at mga kaalyadong mambabatas tulad ni Chiz Escudero, Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, Zaldy Co, at ilang kongresista na kalahok umano sa malawakang pandarambong sa kaban ng bayan?
Hindi si BBM ang problema ng bansa kundi si Sara at mga kasapakat na mambabatas na ang pangunahing pakay ay dambungin ang salapi ng bayan.
Kahit anong pagkakaila ang gawin ng mga tagapagtaguyod, mahirap lunukin ang mungkahing Transition Council. Hindi mawawala ang hinala na ito ay isang junta na magpapatakbo sa gobyerno sa sandaling magbitiw si BBM at Sara.
Hangad nito ang magtayo ng isang revolutionary government na papalit sa kasalukuyang gobyerno. Mahirap lunukin ang panukalang talikuran ang Saligang Batas ng 1987 at basta itapon ang kasalukuyang gobyerno, baguhin ang lahat, at iluklok ang hindi halal ng bayan.
Hind kami sang-ayon sa mungkahi na iluklok ang negosyanteng Ramon Ang, kasalukuyang pangulo ng San Miguel Corporation (SMC), isa sa pinakamalaking kompanya sa bansa. Sa ganang amin, mukhang napuyat sa magdamag sa madyungan ang mga nagsusulong nito. Itulog muna nila ang kanilang pagod.
***
UNTI-UNTING nawawala ang mga sangkot sa flood control scandal. Hindi matagpuan ang mga akusado sa kanilang kilalang tinitirhan. May mga sapantaha na marami sa kanila ang tumakbo sa ibang bansa. Pero may ilang nahuli na.
Noong Linggo, nadakip ng awtoridad si Engr. Gerald Alday Pacanan sa Baybay City, Leyte. Dinala na sa Maynila si Pacanang. Sinamahan siya ni Undersecretary Banjamin Acorda, Jr. ng Presidential Anti- Organized Crime Commission sa Ormoc City at dinala sila lulan ng isang sasakyang panghimpapawid ng Philippine Air Force.
Batay sa mga ulat, may dalawang opisyales ng DPWH at isang opisyal ng Sunwest Construction ang lumisan tungo sa ibayong dagat upang makaligtas sa pag-uusig ng batas. Hindi kami magtataka kung kumilos ang DFA upang madakip sila. Maaari rin humingi ng tulong ang gobyerno sa Interpol upang madakip sila.
Sa Saturday News Forum, inihayag na humiling ang gobyerno ng Filipinas na isailalim sa red notice si Harry Roque, ang palalong dating presidential spokesman. Inamin ni Winston Casio, tagapagsalita ng PAOCC, na may komplikasyon sa kaso ni Harry sapagkat humingi siya ng political asylum sa gobyerno ng Olanda. Hindi ibinigay ang hinihingi niyang asylum sa nakalipas na walong buwan.
Takot umuwi ng bansa si Roque dahil may arrest warrant na ibinaba ang Angeles City RTC kaugnay sa bintang na qualified human trafficking. Walang piyansa sa paratang na ito at tuloy-tuloy sa bilibd si Roque.
***
Email:bootsfra@gmail.com