Advertisers

Advertisers

INGATAN ANG SIERRA MADRE

0 3,792

Advertisers

Muling nagisnan ng bayan ang halaga ng Sierra Madre sa pagsalag sa mapaminsalang bagyo na inalisan ng bangis ng tumama sa nasabing kabundukan. Bugso ng mahinang hangin ang umabot sa kalupaan ng kaHilagaan at salamat sa isang likas na panangga na kalikasan ang may gawa, ang Sierra Madre. Maraming pagkakataon na nasilip ang tatag ng kabundukan sa pagsalag sa mga bagyong namiminsala sa kalupaan ng bansa. Hindi ganap na makapaminsala ang anumang bagyo na ibig pumasok sa kalupaan ng Luzon higit kung dadaan sa kabundukan ng Sierra Madre. Di’ nagdadalawang isip na sabihin na mapalad ang mga lugar na sumasakop sa mahabang bundok mula sa Rizal hanggang sa Hilagang Luzon. Ang mahabang kabundukan na pananggalang sa kaganapang likas tulad ng bagyo.

Sa pagsasaliksik, ganap na bulubundukin ang mga pulo sa bansa na napapaligiran ng matatayog na puno na pananggalang sa bagyong ganap na malakas ang hangin at ulan. Ang kaayusan ng bansa ang kagandahan na dayuin ng banyaga. At ‘di kailangang baguhin ang kaayusan at ganap na ang pagkakatayo o likha ay siyang kaayusan ng mundo. Ang mapanatili ang kaayusan ang nag-aalis sa mga alalahanin ng mga unang nanirahan na sadyang umiikot ang buhay ayon sa dikta ng kalikasan. Sa totoo lang, walang usapin ang mga naninirahan sa kabundukan ng Sierra Madre maging ang mga pamayanan na nasa paanan ng bundok. Sagana sa likas yaman na nililinang mismo ng kalikasan para sa gamit o paggamit ng mga may pangangailangan.

Ibig ipabatid na ang Sierra Madre’y isang mahabang kabundukan na pinaninirahan ng iba’t ibang hayop at mga katutubong Pinoy. Walang usapin ang mga unang naninirahan sa lugar mula sa unang panahon dahil hitik sa likas na makakain na nasa paligid ng kabundukan. Nagbago ang kaayusan sa kabundukan ng pumalaot ang kaunlaran kuno na nagturo sa mga katutubo na maghanda kuno sa kinabukasan. Ang paghahanda sa kinabukasan ang simula ng paghahanap ng higit sa pangangailangan sa araw araw na simula ng pang-aangkin sa mga kalupaan. Ang walang hanganan na paninirahan ang kalakaran na napalitan ng akin, sa iyo na ‘di kalakaran sa unang panahon.

At nang lumaon ang panahon, pumasok ang ilang magagaling na dorobo sa lugar o lupain na nagbago sa kaayusan ng pagkakahati ng bundok sa mga dayong nagmamay-ari kuno na may hawak ng mga titulo. Ang dating maluwag na pamayanan ay napalitan ng bakod na nagsasaad ng pag-angkin sa lugar na inaari. Naganap na arian sa lugar at ang may kasibaan ang naglinang ng may kaluwagan ang masasabing nag-mamay-ari. Ang masakit sa nakitang kaayusan tila nawala ang pagiging malapit sa nakakarami at nagsimulang angkinin ang karamihan ng mga lupain na dating pag-aari ng pamayanan tungo sa iilang pamilya. At ang simula ng pagpasok ng ilang tao na ibig magkaroon ng mga lupaing pag-aari na simula ng pagkasira ng lupain ng bundok ng Sierra Madre.

Sa makabagong panahon, na nagkaroon ng mga titulo sa lupa ang malawak na kabundukan, nagsimula ang mga pagputol ng mga puno sa bundok ng Sierra Madre at pagkakalbo. Ang dating malawak na mga lupain na tirahan ng mga ‘di karaniwang hayop na makikita lang sa bansa ay nagsimulang maglaho o magtago sa natitirang gubat. Sa pagsasaliksik, napansin na ang malawak na kabundukan na hitik sa malalapad na puno’y tila iilan na lang at 20% ang masasabing nalalabi o natitira na takbuhan ng mga natitirang hayop at ilang katutubo sa lugar.

Sa isang pagkakataon, ibig balikan ang pagmamalasakit ng dating kalihim ng DENR na si Gina Lopez na ibig isalba ang mga puno sa kabundukan ng Sierra Madre. Ngunit ‘di nagawa at napilitang umalis sa tanggapan dahil sa bigat ng mga nakalaban na may ganap ang interes sa ilang bahagi ng kabundukan higit ang sa lalawigan ng Isabela, sa Dinapigue. At sa totoo lang, ang malalapad na puno ang unang nasilip na dahilan sa usapin sa banggit na lugar at sa paglaon, maging ang mina sa ilalim ng kalupaan ang higit na pinagnasaan sa laki ng salaping usapin. Sa totoo lang, malaki at mayaman ang nakabangga ng kalihim na kalahi ng kalaban ni Erap sa lunsod ng San Juan. Ang masakit napaikutan ang batas upang ‘di maipasama ang pag-aaring malaking hektarya ng lupain sa mga protektadong lugar ng kabundukan. Subalit batid ng madla na bahagi ng kabundukan ang lugar ng usapin. Ngunit walang ‘di magaganap higit ang gumagawa ng batas ang nagsasaad ng batas na sila ang may gawa.

Ang usapin sa Sierra Madre’y muling nabuhay at naging maingay sa pagtama ng malalakas na bagyo na napigilan ng kabundukan. Ang pagpasok ng mga likas na kaganapan ang ingay na sana’y pagtuunan pansin ng Pinoy higit ng mga opisyal dahil ito’y paramdam ng kalikasan na ibalik ang kaayusan sa bundok na kanyang likha. Ang pagbabagong tungo sa pag-unlad ay pansamantala higit ang kapaligiran ang sumasalo sa salang gawa. Ang malalakas na bagyo, ang paglindol o pagsabog ng mga bulkan, ang kalikasan ang nagsasaad na ang pag-unlad ang sumisira sa likas na kaayusan. Gamit ang mga kaganapang banggit, malakas ang pagpapa-abot ng mensahe na tama na ang kagalingan na gawa ng tao na sumisira sa kalikasan higit sa kapaligiran.

Hindi na makaulayaw ng tao ang kalikasan na kaayusan sa nakaraan na dapat pag-isipan na kung dapat o sapat ba ang kaayusan ng pag-unlad. Walang pagtutol sa pag-unlad kung ‘di nakakasira ng kalikasan. Ang mga dating bundok na kaulayaw ng mga katutubo’y na tinaboy ng kaunlaran ang tila sinasabihan ng likas na pangyayari na magbalik at muling angkinin ang dating kanya. Sa tao, higit sa mga Pinoy, huwag hayaan mawala ang natitirang kabundukan at higit na ingatan dahil ang kalikasan na ang nagsasaad at naghahanap sa nakaraan. At ang Sierra Madre na tahanan ng kalikasan ang nagpaparamdam na ingatan at sagipin. Batid na kulang ang panahon na maibalik ang dating Sierra Madre ngunit gawin ang unang hakbang na ingatan ang nalalabing bahagi na ‘di masira at simulan ang pag-aayos ng ibang bahagi ng kabundukan. Sagipin ang Sierra Madre para sa susunod na salinlahi.

Maraming Salamat po!!!!